PAGKATAPOS humaplos at dumalirot ng 22-anyos kolehiyala, nauwi sa paghimas ng rehas na bakal ang isang Angkas driver matapos arestohin ng mga barangay tanod saka ipinasa sa pulisya sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Lt. Cipriano Galanida, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9, ang inarestong Angkas driver na si Herbert Teves, may-asawa, at residente sa Mapulang Lupa, Valenzuela City.
Sa pahayag ng biktimang itinago sa pangalang Amihan, 22, ang pangmomolestiya ay naganap dakong 9:00 pm nitong Sabado, 5 Oktubre, sa kahabaan ng C.P. Garcia Ave., UP Diliman, Brgy. UP Campus, QC.
Nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa Project 6, at nang magpasyang umuwi ay nagpa-book sa Angkas App.
Ngunit habang sakay ng Angkas at nang maamoy ng driver na nakainom ang biktima, pansamantalang inihinto ng suspek ang motorsiklo sa madilim na bahagi ng C.P. Garcia Ave., saka ipinasok ng suspek ang kanyang kamay sa underwear ng dalaga at hinawakan ang kaselanan nito.
Sa takot ay hindi nag-react ang kolehiyala hanggang muling paandarin ng suspek ang motor at pagdating sa MiniStop Store sa Katipunan ay hinipuan na naman sa legs ang biktima.
Hindi pa rin nag-react ang biktima dahil sa takot pero nang makarating sila malapit sa tahanan ng biktima ay saka humingi ng saklolo ang dalaga sa mga tanod sa Barangay Bagumbayan na kinilalang sina Francis Weavering, Arnel Galang, Reynaldo Uso at inaresto ang Angkas driver.
Agad ipinasa ng mga tanod sa Anonas Police Station ang suspek at inihahanda na ang kasong acts of lasciviousness laban sa suspek. (ALMAR DANGUILAN)