DAHIL sa nalanghap na mabahong amoy na kanilang ikinahilo at ikinahimatay, isinugod sa ospital ang 11 empleyado ng pabrika sa Caloocan City, nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Noel Flores, si Limwell Ibe, 31, at Bobby Benitez, 24, kapwa nagtatrabaho bilang waste and water treatment plant operators ay kasalukuyang naka-confine sa East Avenue Medical Center (EAMC) habang hinihintay ang resulta ng toxicologist na sumuri sa epekto ng chemicals o usok sa kanilang katawan.
Samantala, ang siyam na iba pa ay pinayagan nang makauwi matapos sumailalim sa pagsusuring medikal.
Dakong 9:15 am, nililinis ng mga biktima ang grease trap ng Trans Asia Phils Manufacturing Industries Corp., na matatagpuan sa Golden Road, Gen. Luis St., Caloocan Industrial Subdivision, Kaybiga, Brgy. 166, nang mawalan ng malay dahil sa nalanghap na mabahong amoy.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa EAMC, kasama ang siyam pang empleyado na nahilo at nahirapan din huminga nang malanghap din ang mabahong amoy.
Itinanggi ng Management ng Trans Asia ang naunang pahayag ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na ang dalawang empleyado ay nanghina matapos makaamoy ng hydrogen sulfate habang naglilinis ng grease trap.
Sinabi ni plant manager Rodel Gomez, walang chemical o gas leak at inilinaw na si Benitez at Ibe ay nawalan ng malay matapos maamoy ang sobrang bahong amoy sa loob ng grease trap.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang mabatid kung ang chemical na tumagas ay hindi makaaapekto sa paligid ng kabahayan at maging sa mga empleyado nito.
(ROMMEL SALES)