NAG-PANIC ang commuters ng Light Rail Transit (LRT2) nang sumiklab ang apoy mula sa power rectifier ng tren sa pagitan ng Katipunan at Anonas stations sa Quezon City, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa mga pasahero, nang mapansin nilang nagliliyab ang bagon at nagbukas ang pintuan, mabilis silang naglabasan sa tren at naglakad sa riles upang makababa agad.
Agad nakapagresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na naapula ang apoy na umabot sa ikalawang alarma.
Dahil dito, pansamantalang isinara ang daloy ng sasakyan sa magkabilang panig ng kalsada para bigyang daan ang mga bombero na apulahin ang apoy sa tren.
Batay sa inisyal na report ni LRT2 spokesman Atty. Hernando Cabrera, dakong 11:19 am kahapon, 3 Oktubre nang mangyari ang insidente sa pagitan ng Katipunan at Anonas stations sa kahabaan ng Aurora Boulevard ng nasabing lungsod.
Ayon kay Cabrera, dahil sa nagliyab na power rectifier nawalan ng power supply ang iba pang LRT stations kaya tigil operasyon muna ngayon.
Aniya, dahil sa nangyaring sunog ay pinag-aaralan nilang bawasan ang estasyong sineserbisyohan ng LRT-2 habang inaayos ang mga lumundong riles at mga kable.
“Hindi natin mare-repair agad iyan kung talagang nasunog na. Ang inire-ready natin ngayon ay ‘degraded operations.’ We are looking at baka kung puwede ire-reduce natin iyong operations natin mula Recto hanggang Anonas [stations]… or most likely hanggang Cubao lang,” ani Cabrera.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaalam ang dahilan ng pagsabog. Walang naitalang nasugatan o iba pang establisiyementong naapektohan ng sunog.
Inaasahan na maibabalik ang biyahe mula Cubao station patungong Recto station at pabalik.
ni ALMAR DANGUILAN