BINULABOG ng bomb scare ang Mapua University kahapon ng umaga mula sa nagpakilalang miyembro ng ‘New People’s Army (NPA)’ sa Intramuros, Maynila ngunity kalaunan ay natuklasang ‘hoax’ at bomb scare ang naganap.
Dahil dito, tuluyan nang sinuspende ng Mapua management ang klase at ipinatupad ”Digital Day” o ang klase ay gaganapin online.
Nabatid na isang text message, mula sa hindi inilabas na numero ang natanggap ng isang estudyante, na nagpaabot sa security guard na si Alvin Manzano dakong 8:20 am.
Nakasaad sa mensahe ang bantang, “Kami ang New People’s Army nagtanim ng bomba sa loob ng mapua University, Intramuros, Manila. Makikita ang isa sa loob ng CR malapit sa N12, 9am magsimula ang pagsabog mabuhay ang NPA!”
Mabilis na pinuntahan ni Manzano ang naturang CR at nakita ang isang bottle container na may nakakabit na orasan.
Idineklara ng mga tauhan ng Manila Police District -Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD) bilang ‘hoax’ o pekeng bomba dahil walang kompletong component ng pampasabog.
Nagsagawa ng inspeksiyon ang EOD at dakong 11:00 am nang ideklarang negatibo sa bomba at iba pang hazardous materials ang Mapua, Intramuros campus.
Tiniyak ng pamunuan ng unibersidad na patuloy silang nagpapatupad ng mahigpit na security measures sa kanilang mga campus dahil ang kaligtasan ng mga estudyante at mga empleyado ang kanilang prayoridad.
Magugunita na noong 19 Setyembre ay nagsuspende rin ng klase ang Mapua University sa kanilang Intramuros at Makati campus dahil sa natanggap na bomb threat.
Nabatid na examination week nang makatanggap ng bomb threat ang Mapua sa Maynila at sa Makati.
(BRIAN BILASANO)