Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Consumers ginigisa sa sariling mantika… Prime Water pumapasok sa JVA, pero laway, impluwensiya, at Villar power ang puhunan

NOONG unang sandamakmak ang reklamo ng mga taga-Cavite laban sa Prime Water na pag-aari ng pamilya ni Senadora Cynthia Villar, kaunti lang ang nakikisimpatiya.

Ang reklamo ng Cavite, walang daloy ng tubig ang kanilang mga gripo. Kapag nagkaroon naman mabaho at maitim ang lumalabas na tubig. Bukod pa riyan, sumirit ang binabayaran nilang bill at katumbas ng 10 cubic meter ang minimum na binabayarn nila, makonsumo man o hindi.

Ibig sabihin, kahit walang daloy ng tubig, at kung mayroon man ay maitim at mabaho, 10 cubic meter pa rin ang babayaran ng consumer.

Sumunod na nagreklamo ang Marilao at Meycauayan, dahil sa parehong isyu. At kasunod nito ang iba pang bayan sa Bulacan gaya ng San Jose del Monte City, Bulacan.

Gaya sa Cavite, naging mainit ang reklamo ng mga taga-San Jose del Monte. Nagulat na lang kasi sila, isang umaga na pasok na sa joint venture agreement (JVA) ang Prime Water.

Ang dating San Jose del Monte Water District na nasa ilalim ng Local Water Utility Authority (LWUA) ay biglang ‘nilamon’ ng Prime Water.

At isang umaga paggising ng mga San Joseño, Prime Water na ang tinatanggap nilang bill sa thermal paper na ang basic pay ay P223.60 para sa minimum na 10 cubic meter.

At gaya sa Cavite, mabaho, marumi ang kalidad ng tubig sa ilalim ng Prime Water.

At gaya pa rin sa Cavite, hindi dumadaloy ang tubig nang deretso. Parang noong panahon ni Marcos, may oras ang pagdaloy ng tubig.

Ganito rin ang nararanasan ngayon ng mga taga-Amadeo Cavite na kailan lang ay lumakad sa buong bayan nila para ipakita ang protesta.

Sa lalawigan ng Quezon, nilamon na rin ng Prime Water ang Lucena City at ang Tayabas.

At tama po kayo, ganoon din ang reklamo ng mga Tayabasin at ng mga taga-Lucena.

Naalala pa ng inyong lingkod noong kabataan natin, na ang tubig sa Tayabas ay malinis at galing sa bukal. Malamig, manamis-namis, at malinaw.

Hindi rin kami nangangamba na paggising namin isang umaga ay wala kaming tubig.

Pero ngayon, kung kailan pa umunlad ang Tayabas at Lucena, saka pa nagkaproblema ang mga mamamayan sa dalawang bayan.

At ‘yan ay mula nang pumasok ang Prime Water.

Ayon kay Engr. Jeffrey Gunay, ng Prime Water, kaya raw may ‘water rationing system’ ay dahil may ginagawang improvements. Inaayos ang mga linya at pinapalitan ang mga lumang tubo.

Hmmnnn… sounds good ha.

E alam naman pala ninyong hindi kayo magkapagsu-supply ng tubig nang dere-deretso, bakit kayo naniningil ng minimum na P223.60 para sa katumbas na 10 cubic meter na hindi naman ninyo naisu-supply dahil putol-putol nga ang daloy ng tubig?!

Mukhang nanggagantso ng Prime water ang sambayanan. Ini-improve kunwari nila ang facility pero ang gastos nila ay kinukuha sa P223.60 basic pay ng consumers.

Walang ganyan sa LWUA noon. Kung hindi pa nila kayang magserbisyo nang maayos, bakit sila naniningil nang napakamahal?!

Hindi ba’t malinaw na panggigisa ‘yan sa mga consumer sa sarili nilang mantika?!

E kaya naman pala No. 2 sa listahan ng mayayaman sa Filipinas at bilyonaryo ang mga Villar dahil napakahusay nilang ‘magpatakbo’ ng pera ng mamamayan.

Ano ang ambag ng Prime Water sa JVA?!

Laway, panggigipit sa mamamayan, impluwensiya at  Villar power sa pamamagitan ng kanilang mga posisyon sa gobyerno.

Nagkamal nang walang puhunan?!

Bilyonaryo na pero wala pa rin sawa sa pagkakamal ng kuwarta mula sa maliliit na tao?!

Kung seryoso kayo sa serbisyo, mamuhunan kayo at huwag ninyong kunin sa dugo’t pawis ng maliliit na mamamayan ang ipinang­nenegosyo ninyo.

Gumastos kayo kung tunay ngang inaayos ninyo ang water facilities sa mga bayan at probinsiya na ninakaw ‘este kinuha ninyo ang water facilities.

Hoy LWUA, umaksiyon kayo! Para kayong si hudas na ipinagkanulo sa Prime Water ang gobyerno at ang mga mamamayan.

Mga hidhid!       

     

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *