Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Dahil sa mabilis na pamumunga… Kamara binabato ng mga kritiko

DALAWANG buwan pa lamang ang nakalilipas pero ang bagong Kamara sa ilalim ng pamununo ni Speaker Alan Peter Cayetano ay nagbunga na ng maraming panukalang batas. Mahigit 5,000 bills ang naihain sa maikling panahong nabanggit.

Ang mga repormang nabanggit ng Pangulong Duterte sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) noong Hulyo, tulad ng iba’t ibang tax reform at economic reform bills, ay mabilis na naaksiyonan  sa Kamara. 

 Pero pinakamalaking nagawa ng Kamara sa unang dalawang buwan nito ang pagpasa ng pambansang budget para sa 2020. Nitong 20 Setyembre, naipasa sa  third and final reading ang House Bill No. 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill (GAB), ilang minuto matapos, naipasa rin sa plenaryo on second reading ang parehong bill, dahil nasertipikahan ng Pangulo na priority at urgent ang GAB. 

 Paano nagawa ng Kamara ito sa maikling panahon?

Aba’y inudyok ni Speaker Cayetano sa mga kapwa niya kongresista na magtrabaho sa session sa loob nang sunod-sunod na siyam na araw, na kung minsan ay tumatagal ang pagdinig sa budget nang may 10 oras. Dahil dito naipasa ang GAB in record time kahit na napakahaba ang naging debate. 

Bukod diyan masipag na rin sa pagdalo ng session ang mga kongresista. Laging may quorum kaya’t madaling napagdedebatehan at naipapasa ang mahahalagang batas. 

Maganda ang record ng Kamara pagdating sa pagtatrabaho. Naipakita ni Speaker Cayetano na kaya niyang pamunuan ang isang Kamara na masipag, mapapagkatiwalaan at responsable. 

Ang kaso nga lang, imbes purihin ang Kamara, umani ng maling alegasyon mula kay Senator  Panfilo Lacson at  Senate Minority Leader Franklin Drilon.  

Kaduda-duda ang pagpasa ng budget. May sinabi si Lacson tungkol sa bilyones daw na ‘pork barrel’ para sa mga kongresista, pero binawi rin niya.

Si Drilon naman ay nagpahayag na baban­tayan daw nila ni Lacson ang budget dahil ang pagbuo ng ‘Small Committee’ ng Kamara para talakayin ang mga pagbabago sa badyet  matapos na maipasa ito ay maanomalya umano. 

Pero ang pagbuo pala ng ‘small committee’ ay matagal nang ginagawa sa Kongreso, noong 8th Congress pa sa panahon ni Senate President Jovito Salonga. Sa rami ng miyembro ng Kamara ay kailangan talaga ang komiteng ito para maging maayos ang pagtalakay sa napakaraming amendments. 

Kaya ngayon, parehong palpak ang mga pasabog nina Drilon at Lacson. Sabi tuloy ng ilan, ang Kamara ay parang punong hitik sa bunga, laging binabato.

Ilang beses nang tiniyak ni Speaker Cayetano na walang ‘pork’ sa budget pero ipinipilit pa rin na myroon kahit walang pruweba.

Sabi nga ng Speaker, “kung may makita kayong pork sa budget, ituro ninyo at tatanggalin natin.” Ganoon lang kasimple. 

Bukas naman ang lahat ng dokumento patungkol sa budget kaya’t madaling makita kung may kahina-hinala dito. Sabi nga ni Cayetano, sa panahon ngayon ng social media at internet na lahat ay naka-upload at post online, mayroon pa bang maitatago? 

Ang lumalabas tuloy niyan, nagiging ‘obstructionists’ o hadlang na sina Lacson at Drilon laban sa mga reporma ng Pangulo.

 

SA ELEKSIYONG
STYLE PINOY WALANG TALO
KUNDI DINAYA LANG

WALA raw natatalo sa eleksiyon sa Filipinas. Ang kandidato, mananalo o aangal na nadaya. Matagal na natin itong kasabihan, at pinatunayan na naman ni Bongbong Marcos nang maghain siya ng protesta laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo.

Matapos iproklama ng Kongreso bilang Bise Presidente si Robredo, kumaripas si Marcos sa Korte Suprema, na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET), upang umangal laban sa nasabing pagwawagi.

Ani Marcos, natalo lang siya dahil nagkaroon ng malawakang dayaan noong 2016. Sa paghahain ng tatlong causes of action, agad nasopla ng Korte si Marcos sa kaniyang alegasyon na nagbabahid ng duda sa bisa ng certificates of canvass na ginamit ng Kongreso para iproklama si Robredo.

Ibinasura ng PET ang cause of action dahil aniya, wala itong patutunguhan.

Pinapili ni Bongbong ng Korte kung alin sa dalawang natitirang causes of action ang gusto niyang tahakin — kung magkakaroon ba ulit ng bilangan, o ang hindi kilalanin ang mga boto sa ARMM.

Pinili ni Marcos ang pangalawang cause of action, at dahil dito, inutusan siyang pangalanan ang tatlong probinsiya na magpapatunay na nadaya siya sa halalan.

Sa mga nakaraang buwan ay nakitang umuusad ang recount sa tatlong probinsya. Kamakailan lang ay nakakuha ng mga ulat na natapos na ang bilangan, at imbes patunayang tama si Marcos, ipinapakita ng mga numero na lumaki pa ang lamang ni Robredo.

Ang ulat ay naipasa na sa PET para pag­pasyahan. Nitong nagdaang linggo, maugong ang balitang malapit na nga ang pagbababa ng desisyon sa resulta ng recount sa tatlong probinsiya.

Ang pagtitiyak nito, nanggaling na mismo kay Supreme Court Justice Lucas Bersamin.

Ngunit, tila nabitin ang lahat nang ianunsiyo ng tagapagsalita ng Korte na wala pang aksiyon ang mga mahistrado tungkol dito.

Ang tanong ngayon ng taongbayan: Ano ang pumipigil sa Korte Suprema? Kung lumabas sa bilangan na lumaki ang lamang ni Robredo, bakit hindi ibasura ng Korte ang kaso sa lalong madaling panahon, ayon rin sa sarili nitong mga panuntunan?

Ayon sa bulung-bulungan, pilit sinusubukan ng kampo ni Marcos na isalba ang naghihingalo nilang protesta, at pailalim na naghahanap ng paraan upang kombinsihin ang Korte na ituloy ang ikatlong cause of action, kahit hindi nila mapatunayan na nagkaroon nga ng dayaan noong halalan. Ito na marahil ang huling pag-asa ni Marcos upang hindi malaos at patuloy na magtawag ng atensiyon sa sarili.

Pero hindi nadaya si Marcos. Natalo siya — at matatalong muli dahil sa kawalan ng basehan ng kaniyang protesta.

Sa sunod-sunod na pagkatalong ito, marapat na sigurong palitan ang ibig sabihin ng BBM: hindi na Bongbong Marcos kundi Bye Bye Marcos.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *