ISANG rider na tinangkang lusutan ang inilatag na police checkpoint ang dinakip matapos mahulihan ng droga at granada sa Quezon City.
Natuklasan, ang rider na nahuli sa checkpoint ay siyang nagpasabog ng granada sa isang seafood restaurant malapit sa Malacañang, nitong 14 Setyembre.
Iniharap sa media nina NCRPO Chief P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar at Acting Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Col. Ronnie Montejo, ang suspek na si Luis Castillo Cariño, 38, construction worker, at nakatira sa Brgy. 164 Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Fairview Police Station (PS 5) chief, P/Lt. Col. Carlito Mantala, dakong 11:40 am kahapon, 25 Setyembre nang sitahin si Cariño sa checkpoint sa Mindanao Extension corner Regalado Avenue, Brgy. Greater Lagro dahil walang suot na helmet habang sakay ng kanyang motorsiklo.
Imbes bumaba sa kanyang Yamaha 110 Crypton motorcycle (BO9515), pinaharurot ni Carño ang kanyang motorsiklo.
Agad hinabol ng mga pulis ang suspek hanggang makorner ng blocking force at nang kapkapan ay nakuhaan ng tatlong sachet ng droga sa kanyang bulsa.
Nang siyasatin ang dala niyang bag, bumungad sa mga pulis ang isang hand granade.
Sa interogasyon, umamin ang suspek na siya ang responsable sa pagpapasabog ng granada sa C-Foods Resto sa 5th Street corner Concepcion Aguila St., Brgy. 638, San Miguel, Maynila, malapit sa Malacañang nitong 14 Setyembre 2019.
Nakakulong ngayon ang suspek sa QCPD detention cell at nahaharap sa kasong illegal possession of explosives at possession of Illegal Drugs.
Ayon kay Eleazar, hindi ito maituturing na terorismo pero patuloy pa rin niyang pinaiimbestigahan ang suspek.
“Natutuwa tayo dahil sa sipag ng ating mga tauhan na magsagawa ng checkpoints ay nahuli ang suspek. Asahan po ng ating mga kababayan na mas paiigtingin natin ang ating anti-criminality operations lalo na’t papalapit ang holiday season,” dagdag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)