KUMUSTA?
Sa loob ng matagal na panahon, lagi’t laging etsa-puwera ang kultura.
Noong 2017, sa wakas, isinama na ito ng National Economic and Development Authority sa kanilang Philippine Development (NEDA) Plan 2017-2022.
Kung baga, kinikilala na nila ang kultura sa pag-uswag ng Filipinas.
Katunayan, ang Kabanata 7 ay nakatuon ang pansin at pagtataguyod ng kamalayan at pagpapahalaga sa pangkulturang pagkakaiba-iba.
Teka muna, ano nga ba ito?
“Ang kultura,” ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), “ay isang set ng pagkakakilanlang espirituwal, materyal, intelektuwal, at emosyonal na katangian ng isang lipunan o isang grupong panlipunan, at ito ay sumasaklaw, dagdag pa sa arte at literatura, sa pamumuhay, pamamaraan ng pagsasama-sama, sistema ng halagahan, tradisyon, at paniniwala.”
Walang ipinagkaiba sa pananaw noong 1871 ng tagapagtatag ng antropolohiyang kultural na si Edward B. Taylor na ang kultura ay “ang masalimuot na kabuuang kinabibilangan ng kaalawan, paniniwala, sining, kaugalian, batas, kinasanayan, at iba pang kakayahan at gawing tinamo ng tao bilang miyembro ng lipunan.”
Wika nga ng Ama ng Pilipinohiya na si Dr. Prospero Covar, mahahati ang mundo sa dalawa: likas at likha.
Ang lahat ng likas ay natural.
Ang lahat ng likha ay kultural.
Kaya, kasali sa kultura ang pamanang nahahawakan tulad ng mga pisikal na artepakto, makasaysayang lugar, at monumentong dapat iniingatan.
Sa kabilang banda, ang mga di-nahahawakan ay ang mga gawi, representasyon, ekspresyon, kaalaman, at kagalingang kinikilala ng mga pamayanan at pangkat bilang bahagi ng kanilang minana.
At ito nga ang naganap noong 18 Setyembre sa Cavite State University (CSU) sa Indang, Cavite sa suporta ng presidente nilang si Dr. Hernando Robles.
Naisakatuparan ang kauna-unahang Calabarzon Culture Summit na isang proyekto ng National Economic and Development Authority (NEDA) dahil sa liderato ni Dir. Luis Banua.
Naging matagumpay at madulas ang daloy ng programang nag-umpisa sa ating pagkakataong talakayin ang ambag ng bawat administrasyon sa kulturang Filipino.
Unang nagbigay ng pag-asa, pagdating sa kontribusyong kultural ng bawat paaralan sa Calabarzon, si Dr. Leonardo Cargullo ng Department of Education (DepEd). Laking gulat ko nang isama niya ang Tayabas Province Studies National Conference ng Atagan (Alternatibong Tahanan ng mga Akda at GAwang Nasaliksik,Inc.) na ating kinabibilangan.
Sinundan siya ni Bb. Anabelle Calleja – ang awtor ng Nilala – na itinampok ang pagtatanghal sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ng mga Dumagat sa dulang Gat Uban sa Performatura noong 5 Abril 2019.
Saludo si G. Eddielito Sumangil ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) dito. At nang kaniyang iulat ang mga gawain ng NCIP, siya naman ang sinaluduhan.
Naantig ang damdamin ni Atty. Sylvia Marasigan kung kaya noon din ipinangako niyang isasali na ang mga Aeta ng Batangas sa komposisyon ng Batangas Arts and Culture Council.
Sa kabilang banda, isa pang bayan sa Batangas ang nagpakitang-gilas sa tulong ni G. Jose B. Rodriguez, Jr. Pinatunayan niya ang papel nila sa pagtataguyod ng pagma-mapa ng kulturang Calatagan. Sa harap mismo ng Tagapangulo ng Enrique Zobel Foundation na si Gng. Dee Ann Haral Zobel!
Bago matapos ang lahat, isinaalang-alang ng NEDA ang apat na hamong ito:
Una, pahalagahan sa ating mga kulturang magkakaiba-iba.
Ikalawa, isulong ang ating pagka-malikhain.
Ikatlo, igiit ang halaga ng kapakanan ng nakararami.
Ikaapat, palakasin ang pamamahalang sensitibo sa kultura.
Ang pinakahuli ang pinakaunang naalala ko nitong mga nakaraang araw sa pagdadala ng CCP ng isang palabas sa iba’t ibang lugar sa Filipinas.
Kamakailan, nakatikim na sila ng karanasang hindi nila napag-aralan sa kolehiyo nang tinanong sila ng diumano’y “Cultural Officer” ng bayan ng: “Wala bang problema?”
Umoo naman sila.
Pero, may idinugtong pang nakasakit sa kanila: “Kayo na lang, kung ganun, ang problema?”
Katahimikan.
Ibinalik ako sa sinabi noon ng dating presidente ng CCP na si G. Nes Jardin nang tanungin siya ng mga pampublikong opisyal: “Nakakain ba ang kultura?”
“Opo,” sagot niya, saka siya nagbigay ng biglaang panayam sa mga punong-bayan o lalawigang nasa posisyon lamang dahil sa prominente ang kanilang pamilya.
Kakatwang tuwing eleksiyon, ang mga kandidato ang nagmamakaawa sa kultura.
Sa panahon ng kampanya — nariyang sila ay sumayaw, kumanta, umarte, at gumamit ng iba’t ibang sining – makuha lamang ang ating mahahalagang boto.
Tapos, nang maluklok na sa poder, nganga.
Puro politika, o pamomolitika na lamang, ang inaatupag.
Kaya, sana sa susunod na halalan, kilanlin natin ang mga lingkod-bayang maglilingkod talaga sa bayan – na may malasakit sa kultura.
Ngayon, tandaan na ninyo sila.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera