HINDI na mahihirapang magpabalik-balik sa piitan ang isang lalaki para dalawin ang nakakulong na kaibigan, sa halip ay tuluyan na silang magkakasama, makaraang mabuking ang inipit na shabu ng una sa kanyang pasalubong na tuwalya, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Col. Ronnie Montejo ang naarestong suspek na si Jay-R Arquenio, alyas Sunog, 26, ng Brgy. San Martin de Porres, Cubao, Quezon City.
Si Arquenio ay naaresto ng mga duty jailer ng Cubao Police Station (PS 7), sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao dakong 7:30 am kahapon, sa loob mismo ng kanilang tanggapan.
Nauna rito, binisita ng suspek sa piitan ang isang Marlon Miravilles na unang naaresto ng mga awtoridad dahil sa ilegal na droga.
Gayonman, nang isailalim sa body search, nakuhaan si Arquenio ng isang pakete ng shabu at isang aluminum foil na may bahid pa nito, at itinago sa isang tuwalyang kulay asul.
Ang suspek ay kasama na ng kaniyang dinalaw na kaibigan na nakapiit sa Cubao Police Station (PS7) habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)