PATAY na nang marekober ang dalawang construction workers, anim na oras matapos madaganan ng mga debris sa ginigibang lumang gusali na inookupa ng Hotel Sogo sa A. Mabini St., Malate kahapon ng umaga.
Nabatid sa ulat, tinatayang 22 trabahador ang nasa loob nang mangyari ang pagguho habang isinagasagawa ang demolisyon.
Umabot nang halos anim na oras bago tuluyang nakuha ang labi ng isa sa biktima na kinilalang si Melo Ison habang ang isa pang biktima na si Jerome Fabello, ay nahirapang kunin sa pagkakadagan ng debris at biga.
Sa panayam kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, komplikado aniya ang sitwasyon ng natitira pang biktima dahil ang katawan nito ay nadaganan ng biga kaya nahihirapan maging ang rescue team dahil maaari silang mapahamak.
Sinabi rin ng alkalde, kanilang aalamin kung may pananagutan ang contractor at pamunuan ng SOGO.
Nangyari ang pagguho pasado 9:00 am at nakuha ang bangkay dakong 3:14 pm.
Nagpapatuloy ang retrieval operation sa isa pang biktima na si Fabello habang isinusulat ang balitang ito.
Nabatid na ang gusali ng Hotel Sogo, ay may demolition permit na inisyu sa Golden Breeze Realty Inc.
Pansamantalang ipinasara ni Moreno ang branch sa katabing gusali na nagpapatuloy sa pagtanggap ng guest gayong may nangyari nang pagguho.
Pinalabas din ang mga kasalukuyang naka-check in sa katabing branch para sa kanilang kaligtasan habang isinasagawa ang rescue and retrieval operation sa lugar. (May kasamang ulat ni BRIAN BILASANO)