NAKATAKDANG dinggin ng Committee on labor, employment and human resources development ang Senate Bill No. 294, o ang “An Act Providing for Occupational Safety and Health Standards (OSHS) for the Workers and Talents in the Movie and Television Industry,” na mas kilala sa tawag na “Eddie Garcia Bill.”
Ang panukalang batas na isinumite ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr., ay naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang movie at television workers sa bansa na magpupuno sa RA No. 11058 o ang “An Act Strengthening Compliance with OSHS and Providing Penalties for Violations Thereof” sa ilalim ng Labor Code of the Philippines, at ma-institutionalize ang Labor Advisory No. 4 s. 2016 na sasakop sa working condition ng movie at television industry na inilabas ng DOLE.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Revilla, magkakaroon ng tiyak na kondisyon ng trabaho, katulad ng bilang ng oras ng trabaho, waiting time, transportation, accommodation, social welfare benefits tulad ng PAGIBIG, Philhealth, SSS, at iba pa na estriktong ipatutupad.
Kailangan din sa titiyakin at lilinawin ang duties at responsibilities ng isang producer, tulad ng kasiguruhan ng workers at talents, kaukulang health insurance and compensation para sa work-related injuries, pagkakasakit o kamatayan.
Nakapaloob din sa naturang batas, na ang production safety officer ay itatalaga upang masiguro na maipatutupad ang OSHS sa bawat pelikula o show na isasagawa at magkakaroon din ng orientation at training ng mga manggagawa sa occupational safety and health, ipatupad ang ligtas na pagtatrabaho, itama ang hindi ligtas na kondisyon, at siguruhing maimbestigahan ang pinangyarihan ng insidente kung mayroon man.
Isinunod ni Revilla ang panukalang batas bilang pagkilala sa showbiz legend na si Garcia na namatay noong nakaraang 20 Hunyo matapos mawalan ng malay sa loob ng 12 araw dahil sa neck injury nang madisgrasya sa isang taping ng teleserye.
(CYNTHIA MARTIN)