NASAKOTE ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lisensiyadong pharmacist at registered nurse sa magkasunod na anti-illegal drug operation sa Pasig City at Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino, ang dalawang suspek na sina Juan Carlos Reyes, licensed pharmacist, at Nilo Manipon, isang registered nurse, residente sa Pasig at Quezon City.
Unang nadakip si Reyes, dakong 2:30 am kahapon, 19 Setyembre, sa Room 2212 Pribato Hotel, Pasig City.
Nakompiska kay Reyes, ang isang capsule ng ‘fly high’ na nagkakahalaga ng P2,500; 6 sachet ng marijuana kush na may timbang na 6 gramo at nagkakahalaga ng P12,000; isang gramo ng marijuana seeds na may halagang P3,000; 20 tableta ng ecstacy na nagkakahalaga ng P42,000; liquid ecstacy na ang halaga ay P426,000; one Security Bank check booklet, buy bust money at mga drug paraphernalia na may kabuuang halaga na P483,500.
Sumunod na nadakip si Manipon, bandang 4:20 am sa Kamuning Road, Brgy. Kamuning, QC.
Nasamsam sa kaniya ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000; 12 capsule ng fly high na nagkakahalaga ng P30,000; 5 tableta ng ecstacy na may katumbas na halagang P10,000; isang kotseng Honda BR-V at drug paraphernalia.
Umaabot sa higit P.6 milyon ang kabuuang mapanganib na droga ang nasamsam sa dalawang suspek.
Ang mga nadakip ay nakapiit ngayon sa PDEA Headquarters sa NIA Road, Brgy. Pinyahan, QC, habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
ni ALMAR DANGUILAN