PATAY ang isang teenager makaraang saksakin ng estudyanteng 14-anyos nang magkapikunan ang magkabilang grupong kinaaaniban sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) District Director P/Col. Ronnie Montejo, ni P/Lt. Nick Fontanilla, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang biktima ay kinilalang si Harvey Clemente, 15-anyos, estudyante, at residente sa Pitimini St., Brgy. San Francisco Del Monte, QC.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang 14-anyos na suspek, residente sa Brgy. Paltok, itinuturing na child in-conflict with the Law (CICL).
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Bienvenido Ribaya III, ang insidente ay naganap dakong 10:20 pm, nitong Martes, Setyembre 17, sa Anakbayan St., near corner Mendoza St., Brgy. Paltok.
Ayon sa mga nakasaksi, nakita nilang sinusundan ng suspek kasama ng ilang kaibigan ang grupo ng biktima hanggang magkaroon ang magkabilang grupo ng alitan.
Naawat ng mga bystander ang muntik nang salpukan ng magkabilang panig kaya umalis na ang grupo ng biktima ngunit hinabol ng suspek at muling nakipagtalo hanggang humantong sa pananaksak.
Agad isinugod ang biktima sa Provident Hospital ngunit binawaian ng buhay ayon kay Dr. Aldmin Peregrin, sanhi ng malalim na saksak ng patalim sa tiyan. (ALMAR DANGUILAN)