NANINIWALA si Senadora Risa Hontiveros na malalagay sa alanganin ang national security ng bansa matapos ang kasunduan sa pagitan ng AFP at ng DITO Telecomunity Corp., na pinapayagan ng AFP na magtayo ng equipment at pasilidad sa loob ng military bases ng bansa.
Dahil dito naghain ng Senate Resolution 137 si Hontiveros na naglalayong imbestigahan ang naturang kasunduan matapos aminin ni DND Secretary Delfin Lorenzana na wala siyang alam sa naturang kasunduan.
Lumalabas, ang DITO Telecommunity Corp ay dating kontrobersiyal na Mislatel Consortium.
Ang naturang kasunduan sa pagitan ng AFP at DITO Telecommunity Corp na pag-aari ng kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Dennis Uy at ng China State Run Telecom ay labis na pinangangambahan ni Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, sa panahon na patuloy ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea, napaka-iresponsable aniya na pumasok ang gobyerno sa mga kasunduan sa China na hindi sinusuri ang epekto nito sa pambansang seguridad at kaligtasan.
Iginiit ng senadora, ang naturang kasunduan ng AFP at DITO Telecomunity Corp sa pagpapayag na magtayo ng mga pasilidad at equipment sa loob ng military bases sa bansa ay malinaw na paglabag sa Section 88 ng Public Land Act na mahigpit na ipinagbabawal sa batas na paupahan o ibenta ang bahagi ng military bases ng bansa nang hindi dumadaan sa kongreso.
(CYNTHIA MARTIN)