NAPATAY ang isang drug courier na sinasabing ‘galamay’ ng isang drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) makaraang manlaban sa mga umaarestong operatiba ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Regional Office (NCRPO) sa ikinasang buy bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw, na nagresulta rin sa pagkakakompiska ng P27.2 milyong halaga ng ilegal na droga.
Sa ulat ni NCRPO Director, P/Maj. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, napatay si Edgardo Alfonso, nasa hustong gulang, residente sa Barangay Tramo, Pasig City, matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis dakong 5:15 am sa harapan ng isang gasolinahan sa P. Tuazon Ave., corner 18th Avenue, sa Barangay San Roque, QC.
Sa imbestigasyon ng QCPD, nagkasa ng buy bust operation ang pinagsanib na puwersa ng QCPD at NCRPO Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), ngunit nakahalata ang suspek na mga pulis ang katransaksiyon kaya nanlaban at pinaputukan ang undercover cop.
Tinangkang tumakas ng suspek at tumakbo patungo sa 18th St., at nang makarating sa Del Pilar St., ay patuloy na nagpapaputok sa mga pulis kaya gumanti nang pamamaril ang mga awtoridad.
Ayon kay Eleazar, ang suspek ay kabilang sa mga target sa intensibong anti-illegal drugs operation sa ilalim ng NCRPO Case Operational Plan, matapos matukoy na miyembro ng isang syndicated criminal gang na nag-o-operate ng illegal drug trade sa Metro Manila.
Dagdag ni Eleazar, napag-alaman nilang ang utos sa operasyon ng bentahan ng droga, na kinasasangkutan ng suspek ay posibleng nanggagaling sa isang drug lord na nakakulong sa NBP.
Hindi muna pinangalanan ni Eleazar ang grupong kinabibilangan ng suspek dahil may ikinakasa pang follow-up operation.
“We can say that, siya ‘yung courier and player. Siya ‘yung ginagamit, trusted ng grupo para mag-deliver ng huge amount of shabu. Ang 4 kilograms, in our daily operation, wala tayong nahuhuling ganyan. Kaya nai-consider natin na high value target ‘yan. Patuloy ang ating isinasagawa na case buid-up operation para sa iba pang kasamahan nila,” dagdag ng NCRPO chief.
Nasamsam ng mga awtoridad mula sa suspek ang 4 piraso ng transparent zip lock plastic bags na naglalaman ng tinatayang may 4 kilo ng shabu na may street value na P27.2 milyon, 15 bundles ng P1,000 at boodle money o katumbas ng P1.5 milyon na ginamit sa transaksiyon, isang caliber .45 pistol at assembly magazine nito at mga basyo ng bala.
ni ALMAR DANGUILAN