MARAMING motorista na dumaraan sa kalsadang ibinunga ng sipag at tiyaga o ang C-5, ang nagnanais na imbitahan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar para matunghayan niya ang paghihirap na dinaranas nila sa araw-araw.
Ang kalsada pong ito ay ‘yung dulo ng C-5 na nagkukrus sa Multinational Ave., at dederetso sa napakaliit na Kaingin Road palabas sa South Luzon Expressway (SLEX).
Dito po literal na nag-iimbudo ang mga sasakyan at masasabi nating ‘bottleneck’ rin ng pagdurusa ng mga motorista at commuters na karamihan ay mga empleyado at ang iba naman ay mga estudyante.
Sa araw-araw na ginawa ng mga diyos-disyosan na lumikha ng kalsadang ito (C-5), ni minsan ay hindi man lang nakaramdam ng ginhawa ang mga dumaraan diyan.
Sa totoo lang, ang kalsadang ‘yan o ang C-5 ay pinatagos sa loob ng Las Piñas City para maging maalwan ang biyahe.
Sa siyudad ng Las Piñas na naka-imbudo ang mga negosyo, pabahay at iba pang proyekto ng mga Villar.
Kung hindi tayo nagkakamali, dapat na tumagos ang kaginhawaan o kaalwanang ‘yan hanggang sa karatig pook o karatig siyudad ng Las Piñas gaya ng Parañaque City, pero mukhang tinamad nang dumiretso ang sipag at taga ‘este tiyaga para itayo ang “overpass” na babasag sa nag-iimbudong trapiko sa sangandaan ng C-5 Road, Multinational Ave., at Kaingin Road.
Secretary Mark Villar, hindi maintindihan ng mga motoristang nagdaraan sa lugar na ito kung bakit kailangan nilang magdusa nang 30 hanggag 45 minutos o kung minsan ay umaabot nang isang oras bago makaalpas sa lugar na ‘yan patungo sa kanilang mga destinasyon.
Ang lugar na ito ay napaka-vital sa transportation at freight industries dahil malapit na malapit lang ito sa Airport.
Mantakin ninyong isipin kung ang isang motorista o commuter ay papuntang airport mula sa lugar na ‘yan at inaabot nang ganyang pagkakabinbin dahil sa trapiko?! Tiyak na hindi siya aabot sa kanyang flight.
O kung hindi pa rin pumapasok sa utak ninyo kung anong pinsala ang ginagawa niyan sa mga motorista at commuters, inaanyayahan ka namin Secretary Mark Villar — kahit isang umaga at isang rush hour lang maranasan mo naman…
Kapag naranasan mo na, hindi ko na sagot kung ano ang masasabi mo sa erpat mong mahal dahil sa prehuwisyong dulot ng ‘sipag at taga.’
Arayku!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap