NILASLAS ng isang Korean national ang sariling pulso habang isinasailalim sa inquest proceedings batay sa reklamo ng kanyang kinakasamang Pinay dahil sa pagpo-post ng kanilang sex video sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Xiwoo Kwak, 40 anyos, ng Hobart Village, Don Ramon St., Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City at nahaharap sa kasong paglabag sa anti-voyeurism law, alarm and scandal at resistance and disobedience to persons in authority.
Dakong 3:00 pm, ineskortan ng mga pulis na isang P/Cpl. Quinones at P/Cpl. Moneset ang Koreano patungo sa Caloocan Judicial Hall na matatagpuan sa 10th Avenue, Brgy. 15, para sa inquest proceedings.
Nang lalagdaan ni Kwak ang inquest form sa ikatlong palapag ng judicial building bigla umanong nabalisa ang suspek at parang dalag na nagpipiglas na nakatawag sa atensiyon ng mga tao sa paligid.
Tinangkang payapain ng mga pulis si Kwak ngunit nakadampot ng basag na tiles na kanyang ginamit para para maglaslas ng pulso kaya’t itinakbo sa Caloocan City Medical Center (CCMC) para magamot.
Patuloy na humihingi ng patawad ang suspek sa kinakasamang Filipina habang nakapiit sa Caloocan Police detention cell.
(ROMMEL SALES)