UMABOT sa 1,998 menor de edad ang nasagip ng Manila Police District (MPD) makaraang ipag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa partikular ng curfew hours sa lungsod.
Nabatid kay Manila Police District (MPD) Director P/BGen Vicente Danao Jr., mula nang kanilang ikinasa ang mga oeprasyon noong 2 Setyembre hanggang 12 Setyembre 2019 ay patuloy na nadaragdagan ang datos at nasasanay na ang mga Manileño na manatili sa loob ng bahay tuwing gabi.
Nabatid, dakong 10:00 pm nitong 11 Setyembre hanggang 4:00 am ng 14 Setyembre, ay 104 menor de edad ang nasagip.
Base sa nasabing datos, 45 ay nasa kustodiya na ng Response Action Center/Manila Department of Social Welfare habang 59 sa kanila ay naisama nang umuwi ng kanilang mga magulang sa kanilang tahanan.
Ani Danao, “Tuloy-tuloy na ipatutupad ang Revised Ordinance 8547 para makatiyak na mailalayo ang mga kabataan sa kapahamakan partikular sa disoras ng gabi.
Magugunita, noong 1 Setyembre, iniutos ni Mayor Isko ang pagpapatupad ng curfew hours sa lungsod, mula 10:00 pm hanggang 4:00 am, nang personal na masaksihan ang riot sa pagitan ng mga batang hamog, at maaktohan ang ilang menor de edad habang gumagamit ng solvent sa lansangan.
Napagalaman, sa 1,998 nasagip ng MPD ay 340 ang nakalawit ng MPD PS1, 315 ng Moriones Police Station, 194 sa Sta. Cruz Station (PS3), 159 sa Sampaloc (PS4), 317 Ermita Station, 189 Sta. Ana Police Station, 124 Abad Santos Police Station (PS7), 73 Sta. Mesa Station, 110 Malate Police Station, 105 Pandacan (PS10), 53 sa Binondo (PS11), at 19 kabataan ang nasagip ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) City Hall detachment.
Samantala, binalaan ni Mayor Isko ang mga magulang na mahaharap sa multa at pagkabilanggo kung mapapatunayang nagpapabaya sa kanilang mga menor de edad na anak.
(BRIAN BILASANO)