MAYROONG nagawa ang 18th Congress ng House of Representatives sa ilalim ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi pa nagagawa ng mga nakaraang kongreso.
Isang buwan at ilang araw pa lamang ang nakalilipas matapos magbukas ang 18th Congress para simulan ang unang regular na sesyon noong Hulyo, ang House ay nakapagpasa na ng tatlong priority bills, sa kabila ng nagaganap na kaliwa’t kanang budget hearing.
Noong 20 Ag0sto, ang bill na nagpapataw ng karagdagang excise tax sa mga produktong alcohol, tobacco at vaping products ay naaprobahan.
Ang House Bill No. 304 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA) at HB 300 o ang Amendment of the Foreign Investments Act (FIA) ay parehong naipasa nitong 9 Setyembre, ilang buwan matapos ang unang naipasang priority bill. Ang PIFITA bill, na si House committee on ways and means chair Rep. Joey Salceda ang author, ay may layuning amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 at katawanin ang Fourth Package ng Comprehensive Tax Reform Program ng Duterte administration.
Sa kabilang banda, ang FIA, na si Rep. Victor Yap ang author, ay may layuning payagan ang mga foreigner na i-practice ang kanilang propesyon sa Filipinas, at ito ang isa sa legislative priorities ng House.
Halos lahat ng kredito sa pagpasa nito ay dahil kay Cayetano, na noong simula ng kanyang pag-upo bilang Speaker ay binuo ang mga kongresista upang maipasa nang mabilis ang mga batas na kinakailangan ng bansa.
“Sana po ako’y maging worthy at sana po ay tulungan n’yo ako para sa loob ng 15 buwan ay mapagsilbihan po natin nang mabuti ang ating mga kababayan at lahat po ng nasa legislative agenda, ubusin na natin at ipasa na natin dahil mas magandang magawa na natin ito kaagad,” wika ni Cayetano.
Sa katunayan, si Cayetano na seasoned legislator at diplomat — matapos ma-appoint bilang Secretary of Foreign Affairs ni Presidente Rodrigo Duterte bago siya tumakbo bilang kongresista — ay instrumento sa maayos na sistema ng House.
Sa pananaw ng kanyang mga kasamahang mambabatas, si Cayetano ay may political ascendancy sa Kongreso na naniniwala sa kanyang liderato, mayroon din siyang kakayahan na itugma ang mga nagbabanggaang pananaw ng mga mambabatas na importante para sa malusog na deliberasyon ng mga batas.
Siyento porsiyentong tumpak si Institute For Political and Electoral Reform Executive Director Ramon Casiple sa kanyang prediksiyon na si Cayetano ay “big boost” pagdating sa pagsusulong sa House ng mga agenda ng Pangulo.
Tingnan kung gaano na ang narating ng House hindi pa man nagtatagal nang dalawang buwan ang kanyang Speakership. Sa pangunguna ni Cayetano sa House, sigurado, mas marami pa ang maisusulong at maipapasang mga batas sa mga susunod na buwan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap