Monday , December 23 2024

Performance? Art?

KUMUSTA?

Sa 15 Setyembre, lahat ng daan, wika, nga, ay patungong Sta. Mesa, Maynila.

Doon kasi gaganapin ang ikaapat na SIPAF o Solidarity in Performance Art Festival sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Doon magsisimula ang PErformAnCE #1 bago ito lumipat para sa PErformAnCE #2 sa Vargas Museum ng University of the Philippines sa Diliman, Lungsod Quezon sa pamumuno ng tagapagtatag ng SIPAF na si Boyet de Mesa.

Kasama sina Nic Aca, Mark Stephen Artillero, Roger Basco, Jeff Carnay, Gilbey de Castro, Don Reich de Dios, Metz Espinosa, Ceej Gomera, Ness Lumbres-Roque, Angelo Melo, Kaye O’yek, Sam Penaso, Paul John Presado, Herminigildo Pineda, Edwin Quinsayas, Norman Tiotico, Mannet Villariba at iba pang pangunahing Performance Artists sa Filipinas.

Bukod sa mga indibiduwal, nariyan din ang institusyonal na kalahok.

Ang Neo Angono Artists Collective ay inaasahang magpapakitang-gilas sa 19 at 20 Setyembre dahil doon mismo gagawin sa Angono ang PErformAnCE #3 at #4 – bago tumulak patungong San Fernando, Pampanga para sa  PErformAnCE #5 at  #6 – hanggang Solidarity Night.

Bukod sa PUP Buklod Sining, PUP Icons, at PUP Sining Lahi Polyrepertory, may grupong panteatro paris ng Lipa Actors Company at Molave Theater Guild, pangkat mananayaw tulad ng PUP Maharlika Dance Artists, musiko o musikerong gaya ng PUP Bagong Himig Serenata, PUP Harana String Company.

Sa 21 Setyembre, sa ika-47 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, naatasan, o nautusan, tayong talakayin ang tangkilik ng Performance Art.

Teka, ano nga ba ito?

Ang Performance Art ay isang pangyayaring gumaganap, o ginagawang ganap, ng panitikan, lalo na ang tula, sayaw, musika, teatro, o sining biswal — para sa mga manonood o mirong pinadaranas ng kaganapan o kagampang ito na pansandali.

Dahil panandalian, ito ay lagi’t laging pilit hinuhuli ng potograpiya.

Kundi hindi man ng pelikula’t video.

Noong Dekada ‘70, kasingkahulugan ito ng Events o Happenings.

Kung hindi Body Art, ito ay Actions.

Halo-halong halo.

Labo-labong labo.

Oo, kasi mas madalas kaysa hindi, hindi ito  naiintindihan.

Kaya, karaniwan sa mga makasasaksi nito ay nagkakasya sa pagkamangha  o pagtataka o pagtatanong ng “Anyare?”

Sa ganang-akin, ito ang iniiwasan ng SIPAF.

Tinitiyak ng pamunuan nito na samantalahin ang pagkakataong kunin ang pansin ng madla.

At saka ito magbubukas nang malay!

Niyayakap nito ang sandaling imulat ang lahat sa mga nangyayari sa paligid.

Kung baga, iisa ang likaw ng kanilang bituka.

Lalo na ng mga inimbitahang banyaga.

Si Chumpon Apisuk ang nagtayo  ng Concrete House, ang kauna-unahang puwang para sa Performance Art sa Nan, Thailand noong 1993. Itinatag din niya ang Asiatopia noong 1998 na dinaluhan na rin ng inyong abang lingkod. Isa siya sa pasimuno ng Performance Art sa Asya. Kilala siya sa kaniyang adbokasiya sa AIDS, karapatang pantao, at demokrasya, siya ay katuwang ng EMPOWER Foundation na binuo ng kaniyang misis na si Chantawipa Apisuk upang itaguyod ang karapatan ng mga manggagawang seksuwal.

Sa kabilang banda, bata pa ang kababayan niyang si Warattaya Chaisin na naniniwalang ang sining ay paglalakbay ng isip upang maramdaman at maunawaan ang ugnayan ng sarili sa panahon at pook.

Hapon naman si  Futoshi Moromizato na lumaki sa Okinawa. Ginagamit niya ang Performance Art bilang behikulo para magprotesta laban sa pananakop sa kaniyang sinilangang-bayan. Ito ang kaniyang magandang balita sa Japan, China, Vietnam, Mexico, Indonesia, at ngayon dito.

Dalawa ang mula pa sa Timog Amerika. Una, si Maria Victoria Muñoz ay taga-Colombia, may dugong Swiss. May B.A. siya sa Plastic Arts mula sa Universidad Jorge Tadeo Lozano at Universidad de los Andes sa Bogotá. Siya ay nakapag-eksibit na sa Colombia, India, Thailand, USA, Argentina, Myanmar, at Filipinas. Gamit ang iba’t ibang media, sinasalamin niya kung paano magtrabaho ang memorya. Ikalawa, si Graciela Ovejero Postigo na tagapagtatag ng Peras de Olmo – ARS CONTINUA. Mananayaw siya at nagtuturo ng sayaw na may Master of Fine Arts mula sa University of California San Diego.

Isa ring mananayaw, si Prashasti Putri ay bahagi ng Radha Sarisha dance community at Central Java Pavilion Taman Mini Indonesia Indah. Siya ang tagapag-ugnay ng Coordinator of Forum Festival Program at ARKIPEL Film Festival. Siya rin ang nagpapatakbo ng 69 Performance Club na isang plataporma para sa pagsasaliksik tungkol sa kasaysayan at Performance Arts. Ang siste, siya ay nagtapos ng Criminology sa University of Indonesia noong 2014.

Ito ang ipinagkaiba nito sa ibang pista, sa loob o labas man ng bansa.

Nanggigising ang kanilang sining.

Sumisipa ang SIPAF!

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *