WALANG makalulusot na kahit anong iregularidad o uri ng korupsiyon sa Kamara.
‘Yan ang pangako ni Speaker Alan Peter Cayetano sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kaya naman bantay-sarado si Cayetano sa panukalang 2020 national budget na tinatalakay ngayon sa Kamara. Tinitiyak ni Cayetano na ang unang General Appropriations Bill (GAB) sa ilalim ng kanyang Speakership ay walang bahid ng korupsiyon, walang ‘pork barrel’ at walang ‘parking’ ng pondo.
Laging ipinaaalala ni Cayetano na hindi niya papayagan ang anomang ilegal na ‘insertions’ sa GAB. Wala rin mga kaduda-dudang ‘parking’ ng pondo. Walang lump sum sa budget na hindi nakadetalye ang gamit o ‘nakaparada’ sa isang distrito, para gamitin sa ibang proyekto o distrito ng ibang kongresista.
Ito kasi ang nakagawian noong mga nakaraang Kongreso. Ang gustong matiyak ni Cayetano ay hindi na mauulit ang mga ganitong kuwestiyonableng gawain sa ilalim ng kanyang Speakership.
“Constitutional, legal, transparent at accountable” na budget ang pangako ni Cayetano.
Napatunayan ni Cayetano na tutuparin niya ang kanyang pangako nang magkaroon ng budget briefing ang Department of Public Works and Highways (DPWH), si Cayetano mismo ang nagtanong kay Secretary Mark Villar kung may nakatago bang pork sa proposed budget ang departamento, o kung may naka-park bang pondo dito?
Tiniyak ni Villar na walang pork o parking sa budget ng DPWH.
Kamakailan, nakakuha rin ng commitment si Cayetano mula sa mga kapwa niya mambabatas na ang proposed 2020 budget na tinatalakay ngayon ay susuriing mabuti at hindi maaantala tulad ng nangyari sa 2019 budget.
“Walang lugar ang ‘pork o parking’ sa 2020 budget,” pangako ni Cayetano.
Alam naman natin kung ano ang nangyari sa 2019 budget. Na-delay ang pagpasa nito sa Kongreso kaya na-delay rin ang mga proyekto ng gobyerno na magpapasigla sa ekonomiya ng bansa.
May proyekto rin ang DPWH na nagkakahalaga ng P95.37 bilyon ang nai-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 budget. ‘Ika n’ya, hindi niya papayagan ang korupsiyon sa kanyang administrasyon.
Ayaw na ayaw maulit ni Cayetano ang nangyari sa 2019 budget. Kaya naman nang magkaroon ng kaunting di-pagkakaunawaan sa pagitan nina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Davao City Rep. Isidro Ungab, ang chairman ng House appropriations committee, agad umaksiyon si Cayetano.
Kung matatandaan, binawi ni Villafuerte ang isinumiteng 2020 General Appropriations Bill sa plenaryo dahil kasalukuyan pa umanong nagsasagawa ng budget briefings sa appropriations committee.
Sinabi ni Ungab, ang pagsusumite ng GAB sa plenaryo matapos ibigay ng Malacañang ang proposed budget ang tamang patakaran na dapat sundin.
Mabilis na nagpatawag ng meeting si Cayetano para maayos ang isyu. Bukod kay Ungab at Villafuerte, nasa pagpupulong rin si Majority Leader Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, Deputy Speaker Neptali Gonzales II, appropriations committee vice chairperson Elenita Ermita Buhain, at iba pang vice chairpersons ng komite.
Matapos ang meeting, ipinahayag ni Cayetano na tapos na at wala ng dapat pag-usapan sa isyu, at ang budget ay masusing pag-aaralan at hindi maaantala. Nag-request siya sa lahat ng government agencies na magsumite ng presentations ng kani-kanilang budget proposal bago mag-5:00 pm nitong 3 Setyembre.
Pagkatapos mamagitan si Speaker, wala nang narinig hinggil sa isyu mula kay Villafuerte at Ungab.
Ang mabilis na aksiyon ni Cayetano sa gusot ang nagpatunay na kaya niyang panatilihing maayos ang Kamara sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nananatiling nagkakaisa ang Kamara para tulungan ang Pangulo na maipatupad ang kanyang adhikain na ligtas at maginhawang buhay para sa bawat Filipino.
Sa ilalim ng Speakership ni Cayetano na bantay sarado laban sa korupsiyon, marahil ay maibabalik na muli ang tiwala ng ating mga kababayan sa Kamara bilang isang institusyon.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap