WALA na rin palang maibigay na PVC identification card ang Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police na pinamumunuan ni P/Col. Valeriano de Leon.
Nagtataka lang tayo kung bakit walang maiisyu na PVC ID card gayong patuloy namang nagbabayad ang mga aplikante o ‘yung mga ngre-renew ng lisensiya nila para sa armas.
Kung hindi tayo nagkakamali, halos apat na buwan nang hindi makapag-isyu ng PVC ID card ang PNP-FEO at tanging isang pilas ng papel ang ibinibigay sa mga naaprobahang aplikante at sa mga nagre-renew ng lisensiya para sa pagdadala ng armas.
Pero ano ba itong nakararating na impormasyon sa inyong lingkod na nag-aalanganin umano sa pagkuha ng bagong service provider ang PNP-FEO dahil nalalapit nang magretiro si PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde. Hinihintay pa umano kung mai-extend si Gen. Albayalde.
Kasi kung hindi na umano mai-extend si Gen. Albayalde, parang SOP na hintayin ang approval ng maitatalagang bagong PNP chief kung sinong service provider nag kukunin nila para sa pag-iisyu ng PVC ID card.
In other words, kailangan may say sa magaganap na bidding-bidingan ang mga susunod na opisyal?!
Totoo ba ‘yan?!
Tayo naman ay nagtatanong lang dahil, sabi nga ng mga aplikante, nagbabayad naman sila, e bakit walang maibigay na OVC ID card?!
‘Yun nga ba ang dahilan?!
Kailan ba magaganap ‘yang bidding-bidingan na ‘yan?
Pakisagot na nga po, Col. Val de Leon.
KAPAG RECYCLE
SA GOVERNMENT
HINDI REUSABLE,
BOW
SAAN na ba napunta ang delicadeza ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon, ngayong nagpuputukan na naman ang mga kontrobersiyal na isyu na nakadikit sa kanya?!
‘Yan na nga ba ang sinasabi natin. Pinagkatiwalaan ni Pangulong Digong pero imbes makatulong ‘e naghahanap pa ng mga magagalit sa administrasyon.
Marami tuloy ang nagtatanong, wala bang gagawin si Faeldon na maipagmamalaki ng Duterte administration?!
Mantakin ninyo, nang masabit sa Bureau of Customs (BoC) sa isyu ng ilegal na droga, binigyan pa ng bagong puwesto at tila ini-recycle ng Pangulo sa BuCor.
Pero, heto na naman, sumalto na naman sa BuCor. Hindi simpleng salto kundi malaking salto.
Mantakin ninyong umabot sa 816 convicts ang napalaya niyang sentensiyado sa heinous crimes gaya ng apat na Chinese drug lords at ang mga convicted sa panggagahasa sa Chiong sisters?!
Siya ang pinakamarami mula noong panahon ni dating BuCor chief, Franklin Bucayu?!
Tsk tsk tsk…
Kung hindi pa pumutok ang isyu ng pagpapalaya sana kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez ‘e baka hindi na sumambulat ang ‘lihim’ na ‘yan.
Mukhang naging blessing in disguise pa ‘di ba, ang naunsiyaming pagpapalaya kay Sanchez?
At umabot pa ang ‘sunog’ hanggang sa Palasyo dahil kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sumulat sa Board of Pardon and Parole (BPP) para pansinin ang umano’y apela ng pamilya Sanchez.
Aba, wala pa bang balak magsipag-resign sina Faeldon at Panelo?!
Hoy, mahiya naman kayo sa Presidente!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap