AABOT sa P700,000 halaga ng shabu ang nakompiska sa mag-asawang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) head P/Capt. Deo Cabildo ang naarestong mga suspek na si Abdullah, 53 anyos, at Raisha Ampatua, 54 anyos, kapwa residente sa Globo De Oro St., Quiapo, Maynila.
Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police chief P/Col. Noel Flores, dakong 10:15 pm nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Cabildo laban sa mga suspek sa Sta. Catalina St., Brgy. 39 ng nasabing lungsod.
Dito iniabot ng mga suspek ang isang medium transparent plastic bag ng shabu kay P/Cpl. John Norman Toralde na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P1000 bill, kasama ang 100 pirasong P1000 boodle/fake money ay agad sinunggaban. Nabatid kay SDEU investigator P/Cpl. Rafael Tuballas, narekober sa mga suspek ang tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P700,000 street value ang halaga, isang cellphone at buy bust at boodle money.
Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)