Monday , December 23 2024

Tula mo, tanghal mo!

KUMUSTA?

Kamakailan naanyayahan tayong maging hurado sa Kenyo: Tagalog Spoken Word Contest kasama mismo ang mga organisador nito na si Joseph “Sonny” Cristobal, ang direktor ng Philippine Cultural Education Program (PCEP) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at si Armand Sta. Ana, ang direktor ng Barasoain Kalinangan Foundation.

Unang tinawag bilang Tongue Na New, ito ang di-matatawarang ambag mga Bulakenyo – sa tulong ng Panlalawigang Pamahalaan ng Bulacan – sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Sa pamamagitan ng Spoken Word, nagta­gisan ng talino at talinghaga ang 13 batang Balagtas gamit ang wikang hindi lamang Tagalog kundi Filipino.

Si Emmanuel Custodio, halimbawa, sa kaniyang tulang U-tongue ng Loob, ay nagpakamilenyal kahit siya ay 30-anyos na guro na bago pa lamang naging isang tatay:

“O to the M to the G!!! Surre naman puh

E di wow kayo na havey kami na waley kami na

Kami na ‘tong mga pasaway kayo na ang may petmalung karanasan

Sobrang werpa ang inyong nakaraan

At loding-lodi ang lahat ng inyong pinag­daanan.”

Pumangalawa siya kay Claire Ann Castro na daig pa ang mga Baby Boomers sa kaniyang tulang nagbigay ng aliw at aral sa — Ito Ang Realidad:

“Ikaw ang pinakamakapangyarihan kung gagawin mo ang tama,

Ang ‘yong tungkulin bilang isang mamama­yang Pilipino

Para sa namamag-asang bayan.”

Kung sino pa itong bata siya pa ang nagku­sampalo at nangonsiyensiya sa kapuwa niya kabataan.

Walang iniwan sa kabaro niyang puma­ngatlo na si Jcel Grace Albania – 18-anyos na estudyanteng kumukuha ng B.S. Information Technology sa Bulacan State University — na naghunos pero ‘di naghunos-dili sa entablado matapos bigkasin ang huling bahagi ng kaniyang piyesang Maria Clara:

“Ako ang bagong Maria Clara.

Minsang nanahimik ngunit ngayon ay natuto nang tumindig

At gamitin ang sariling tinig.”

Oo, totoo ngang pinaypayan ang apoy ang Spoken Word na kung tawagin ay hugot!

Subalit, kinalaunan, kapansin-pansin ang ebolusyon.

O, kung hindi man, rebolusyon nito sa Filipinas.

Pinatunayan ito ni Ralph Lorenz Fonte ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at The Makatas.

Nagtapos ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas, siya ay nakapaglimbag na ng kalipunan ng mga tula, Mga Guho Bago ang Gunaw at Iba pang Terra Incognita (2016).

Mas kilala bilang Loaf, siya ang nagtanghal ng tulang ito:

“Pakinggan mo ang kakaibang tinig ng lupa,

umaawit sa alikabok sa iyong talampakan:

mapagkandili, kahit kakatwa,

mapagkalinga kahit ikaw rito’y kasimbanyaga

ng tiririt ng maya sa kabilang pisngi ng buwan.”

Dahil dito, siya ang naging kauna-unahang itinanghal na Tanghal-Makata ng Taon noong 5 Abril sa Cultural Center of the Philippines bilang bahagi ng Performatura, ang bukod-tanging International Performance Literature Festival, kung hindi man sa bansa ay sa buong daigdig.

May nauna nang Performatura noong 2015 at 2017 subalit nitong 2019 pa lamang nagkaroon ng Tanghal-Tula o Poetry Slam na sinalihan ng humigit-kumulang na 30 kabataang makata.

Noong hapon, nagkaroon muna ng eliminasyon sa CCP Main Theater Lobby na pinamahalaan ng batikang aktres na si Skyzx Labastilla, mandudulang Mark Ghosn ng Ampalaya Monologues, at makata at mananalaysay na si Joselito de los Reyes.

Noong gabi, naging sabik ang lahat nang ibinunyag kung sino ang Unang Sampung kinilatis pa muli ng mga inampalang kinabibilangan ng Bise Presidente ng CCP na si Chris Millado, tagapagtatag ng Bigkas Pilipinas Kooky Tuason, at makata/director na si Khavn de la Cruz.

Matapos ang makapigil-hiningang bakbakan ng bawat buka ng bibig, nagwagi nga si Loaf na sinundan ng pumangalawang si Jonel Carl Revistual ng Words Anonymous at ng pumangatlong si Ryan Ram Malli ng BAON Collective.

Kakatwang bagay na bagay sa maalin­sangang maghapon ang pinagdausang CCP Power House, na kinalalagyan din ng mural ng isa sa CCP 13 Artists Awardee na si Achie Oclos – na ang obrang pinamagatang Ang Mamatay Nang Dahil Sa Iyo ang nagkataong tema rin ng Performatura 2019.

Panauhing pandangal noon ang makatang Malaysian na si Azam Rais, ang kampeon sa Lit Up Asia Pacific Festival 2018 sa Singapore, kung saan tayo nagsalita at nagtanghal ng Balagtasan.

Ngayon, taga-Kenyo kaya ang susunod sa Tanghal Makata ng Taon sa susunod na Performatura 2021?

Kung ganun, tatanggap din siya ng tropeong gawa ni The Stripewalker na si Sam Penaso at ang tansong lawrel na likha ng makata/eskultor na si Raul “Tata” Funilas, ang kilalang kanang-kamay ng Pambansang Alagad ng Sining na si Napoleon Abueva.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *