BATA pa tayo madalas nang sabihin ng mga magulang, ang ugali ay kultura at ang kultura ay hinubog ng magandang kaugalian.
At bahagi ng pagpapanday na ‘yan ang pagbibigay ng assignments sa mga estudyante. Diyan nahuhubog ang study habits ng mga bata na mahalagang katangian lalo na kung maghahangad ng mataas na edukasyon ang isang inidibiduwal.
Kaya naman nagulat tayo nang mabasa natin na sinusuportahan daw ni Department of Education (DepEd) secretary Leonor Briones ang “no-homework policy” mula kindergarten to high school na ipinapanukala sa House of Representatives.
Ayon kay Briones, mas gusto umano ng DepEd na ang pormal na edukasyon ay ginagawa sa loob ng paaralan para ang mga estudyante umano ay mayroong oras sa kanilang pamilya at tahanan.
“Ang gusto natin, lahat ng pormal na pag-aaral, assignments, projects, whatever, gawin sa loob ng eskwelahan. Pag-uwi nila, libre na sila, freetime na nila to be with their parents, with their friends,” pahayag ni Briones.
Magandang pakinggan sa tainga ang sinasabi ni Secretary Briones.
Ipinagmalaki rin ni Aling Liling na ipinatupad na nila ‘yan pagpasok pa lang niya sa DepEd, pero mayroon daw talagang mga eskuwelahan na nagbibigay pa rin ng assignments sa mga estudyante.
Hirit pa ni Aling Liling, “Mayroon tayong policy na dini-discourage natin ang homework dahil alam naman natin na minsan ang homework, hindi naman ang bata ang gumagawa pagdating sa bahay. At nawawalan paminsan ng panahon ang bata, ang parents, ang mga lola na mag-bond.”
Gusto tuloy natin itanong, kasama ba ‘yan sa disenyo ng K to 12? Sa ilalim ng K to 12, pinahaba ang panahon ng pag-aaral sa high school pero bakit tila maraming hilaw na estudyante?!
‘E di lalo na kung maisabatas pa itong “no-assignment bill?”
Kapag kasi naging batas, mismong ang mga guro ay matatakot nang magbigay ng assignment sa mga estudyante kasi puwede na silang sampahan ng kaso, masentensiyahan, magmulta at makulong.
Ang mga pangunahing nagsusulong nito sa House of Representatives sy sina Deputy Speaker Evelina Escudero at Quezon City Rep. Alfred Vargas.
Ang kay Escudero ay nagpapatanggal ng homework at limitasyon ng school activities sa campus habang ang kay Vargas, ipinatitigil ang pagbibigay ng assignments sa mga estudyante tuwing weekend.
Sa nasabing panukala ni Vargas, papatawan ng P50,000 multa at isa hanggang dalawang taong kulong ang mga guro na magbibigay ng assignment kapag weekend.
Arayku!
Ano na ba ang nangyayari sa mga mambabatas?! Kung ayaw nilang nahihirapan ang mga bata sa pagdadala ng mga mabibigat na libro, ang isulong nila, dagdagan ang budget para magkaroon ng malalaking library o e-library ang mga paaralan sa buong bansa nang sa gayon ay doon gumawa ng assignments ang mga estudyante. Siguraduhin ng bawat guro na tapos na ang assignment ng estudyate bago umuwi.
Heto pa ang isa, ang daming estudyante ngayon ang tamad nang magbasa ng libro kasi nga nahihirati sa gadgets. Bakit hindi i-develop ng DepEd ang reading habit ng mga estudyante?
At hindi na nga naide-develop ang reading habit, tatanggalin pa ang pagbibigay ng assignment na isang paraan para natututong mag-aral mag-isa ang isang estudyante lalo na sa edad na ‘yan — mula Kindergarten hanggang high school.
Talaga bang ang DepEd ay bahagi na rin ng disenyo na bansutin ang pag-iisip ng mga Filipino?!
Aling Liling, sa ganyang sistema ay hindi naihahanda ang isang estudyante sa ugaling matiyaga, mapagtimpi at matiisin sa panahon na kailangan nilang mag-aral.
Ang gusto ninyong mahubog sa mga estudyante ay maging kampante at lakwatsero.
Sana naman ay hindi magtagumpay sa Kamara ang mga ganitong klase ng panukala.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap