ISANG mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA), National Democratic Front (NDF), ang dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Special Operations Unit (QCPD-DSOU) sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni QCPD Director, P/BGen. Joselito Esquivel kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, P/MGen. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang nadakip ay kinilalang si Esterlita Suaybaguio alyas Nali, Loida at Ester, 60 anyos, secretary ng Metro Manila Regional Party Committee (MMRPC).
Ayon kay QCPD-DSOU chief, P/Lt. Col. Gil Torralba na nanguna sa operasyon, si Suaybaguio ay naaresto nitong 26 Agosto 2019, dakong 1:50 am, sa Room 9H, 9th Floor Tower 5, Escalades Condominium, sa 20th Avenue, Cubao.
Ani Torralba, kanilang dinakip kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) si Suaybaguio sa bisa ng search warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 89.
Nakuha sa tinutuluyan ni Suaybaguio ang isang cal. 9mm; isang magazine ng cal. 9mm; limang bala ng cal. 9mm; isang granada; at subversive documents.
Bago sinalakay ang condo unit ni Suaybaguio, isang concerned citizen ang nagtimbre sa pulisya hinggil sa presensya ni Suaybaguio sa Escalades Condominium na armado ng cal. 9mm dahilan para kumuha ng search warrant sa korte ang grupo ng DSOU.
Sa tulong ng AFP at NCRPO, sinalakay ang condo unit ni Suaybaguio.
Samantala kinondena ng NDF ang pag-aresto sa kanilang peace consultant.
Sa pahayag, sinabi ni NDFP Negotiating Panel Chairperson Fidel Agcaoilim si Suaybaguio ay nas ailalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), may Document of Identification (DI) Number ND 978447 bilang second consultant para sa Mindanao. (ALMAR DANGUILAN)