KUNG dati ay walang nakikitang problema o isyu sa pag-iisyu ng lisensiya para sa Philippine offshore gaming operators (Pogos) sa mga dayuhang Chinese nationals si Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chair and CEO Andrea Domingo, hindi na ngayon.
Sa totoo lang, marami ang nagulat sa bigla niyang pagkambiyo.
Sa isang press conference sa Intramuros, Maynila, buong tapang na inihayag ni Madam Didi na nagpataw ng moratorium ang PAGCOR sa pagbibigay ng lisensiya sa mga aplikante ng POGOs.
E kasi nga raw maraming tutol mula sa iba’t ibang sector dahil bukod sa nakaaapekto ito sa kabuhayan at ekonomiya ng ating mga kababayan, e banta pa raw sa national security, ayon mismo kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr.
Kaya hayan, nagbaba ng utos ang gambling regulator ng bansa. Walang lisensiya para sa mga bagong aplikante ng POGOs.
Sa tanong kung hanggang kailan ang moratorium, ang sabi ni Madam Didi: “…until all concerns have been addressed.”
“We will no longer accept any more applications until we have reviewed and comfortably addressed all of the concerns of everybody,” dagdag pa ni Madam Didi.
Aba ‘e, marami nga ang natuwa dahil nakinig si Madam Didi sa mga usapin.
Pero may ilang tanong lang din tayo at gusto nating iparating kay Madam Didi base sa ilang nagpapaabot ng impormasyon sa inyong lingkod.
FYI lang po Madam Didi, alam ba ninyo na mahina umano ang P50 milyones na isinusuka ng mga aplikante ng POGOs para makakuha ng lisensiya?!
At ‘yang P50-M umano na ‘yan ay ‘isang tao’ lang ang kinakausap nila, at tiyak na swak na.
Kung baga, ang ‘nag-iisang tao’ na ‘yan ay ‘enkargado.’ Sino-sino naman kaya ang nakikinabang sa enkargado na ‘yan?
Alam kaya ni Madam Didi kung sino ang nakikinabang diyan? At kung sino ang ‘nag-iisang tao’ na ‘yan na kinakausap para aprobado agad ng PAGCOR ang POGO license nila?!
Bukod pa riyan ang goodwill, Madam Didi.
Masiyahan kaya ang ‘nag-iisang tao’ na ‘yan sa ibinaba ninyong ‘moratorium’ sa lisensiya ng POGO?!
O baka naman mapabilis ang lifting ng moratorium kapag lumutang sa tanggapan ninyo ang ‘nag-iisang tao’ na ‘yan?!
Pakibalitaan naman po kami agad, Madam Didi, please?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap