IMINUNGKAHI ni Senate President Vicente Tito Sotto III sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang “No Parking Zone” sa buong Metro Manila.
Para tuluyang mabawasan ang matinding trapik sa EDSA dapat nang ipatupad ang “No Parking Zone” sa buong Kalakhang Maynila.
Ayon kay Sotto, matagal na niyang iminumungkahi ito ngunit walang nakikinig sa kanya.
Paliwanag ng senador, kung talagang mawawala ang mga illegal parking sa lansangan at maging ang parking zone ng mga lokal na pamahalaan sa mga kalsada na kanilang nasasakupan maaari na itong maraanan ng private vehicles at ang mga bus na lamang ang daraan sa EDSA.
Isa rin sa minungkahi ni Sotto ang paglipat ng ilang government agencies sa ilang lalawigan upang makatulong sa pagbabawas ng trapik sa Metro Manila.
Ang pagdinig ay ukol sa pagpapatupad ng MMDA sa yellow bus lane at ang pagbabawal na dumaan ng mga provincial buses sa kahabaan ng EDSA.
(CYNTHIA MARTIN)