SA KULUNGAN na nagpababa ng tama ng alak ang isang 19-anyos at 17-anyos na sinamantala ang kalasingan ng dalawang 15-anyos dalagita na kanilang pinagsamantalahan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi, iniulat ng pulisya.
Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas mula sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD), inimbitahan ng mga suspek na si Chijaiky Arex Alonzo, 19, at ng 17-anyos na itinago sa tawag na alyas Popoy, ang mga biktimang itinago sa pangalang Rosana at Diana, Grade 10 students at kapwa 15-anyos, na mag-inuman sa isang bahay sa Policarpio St., Brgy. San Jose na pinaunlakan ng dalawang dalagita.
Pagsapit ng 11:00 pm, nalasing ang mga biktima at hindi na makagulapay pero imbes ihatid pauwi, sinamantala ng mga suspek ang kalasingan ng dalawa at magkasabay nilang ginahasa sa loob ng naturang bahay.
Nagawang makauwi ng dalawang biktima sa kani-kanilang bahay matapos mahimasmasan sa kanilang kalasingan at dito na nila isinumbong sa kanilang mga magulang ang kahalayang ginawa sa kanila.
Agad humingi ng tulong sa pulisya ang mga magulang ng mga biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek sa ginawang follow-up operation.
(ROMMEL SALES)