NAIS imbestigahan ni Senate Committee on Finance Senator Sonny Angara ang sobra0-sobrang stock ng gamot at medisina sa warehouse ng Department of Health (DOH).
Naghain ng resolusyon si Angara para magsagawa ng pagdinig sa P18.4 Bilyon overstock ng gamot sa warehouse ng DOH na dapat sanang naipamahagi sa mga mahihirap na pasyente base sa ulat ng Commission on Audit noong 2018.
Nalulungkot si Angara dahil nagpapakahirap na pumila at tila namamalimos sa mga ahensiya ng pamahalaan ang mga pasyenteng mahihirap para makakuha ng libreng gamot pero kung minsan ay napapagkaitan pa.
Dahil dito, ang mga naturang gamot na dapat na ipamahagi sa mga pasyenteng dukha ay napaso o expired na at hindi na mapapakinabangan.
Labis na nanghihinayang si Angara sa halos P20 bilyong nasayang na gamot na dapat ipaliwanag ng DOH sa ipatatawag na pagdinig para malaman kung magkano dapat ang kanilang ilalalan na pondo sa DOH sa 2020.
Lumalabas sa report ng COA, ang nasasayang na gamot dahil sa overstock ay umaabot sa 18.4 bilyon noong 2018, P16 bilyon noong 2017, P11.3 noong 2016 at P10 bilyon noong 2015.
(CYNTHIA MARTIN)