Monday , December 23 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Kinapos ba si Ora Pro Nobis & Kapit Sa Patalim actor Philip “Ipe” Salvador? O lumampas sa kasisipsip kay Pangulong Digong?

KUNG ang ‘batayan ng pagkakaibigan’ ay hindi naipundar sa mahabang proseso ng pagkilala sa isa’t isa, asahan na lagi’t laging ipangangahas na ipangsanggalan ang ipinamamaraling ‘katapatan’ kahit sa saliwang paraan.

Ganito ang nakikita nating ‘sistema’ ng pakikipagkaibigan ng aktor na si Philip “Ipe” Salvador kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kulturang Filipino, ang paghahangad ng kamatayan ng isang tao ay isang sumpa (curse). At sabi nga, ito ay ginagawa lamang ng mga taong kapos sa katuwiran.

Hindi na tayo magtataka kung marami ang nadesmaya sa ginawang pagsasalita ni Ipe laban sa mga miyembro ng militanteng organisasyon na nag-rally nitong nakaraang 4th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Digong.

“Sa inyo pong lahat na bumabatikos. Mamatay kayong lahat. Salamat po.”

‘Yan ang eksaktong pahayag ni Ipe sa isang interview sa kanya habang nagaganap ang SONA.

Wala naman sigurong masama kung gustong patunayan ni Ipe na ‘sipsip’ ‘este na loyal siya sa Pangulo.

Pero hindi na siya dapat magpahayag ng mga salitang masama laban sa mga kritiko ng Pangulo kung hindi naman magiging plus factor sa administrasyon.

Ang problema kasi sa mga nagsasabing ‘loyal’ sila sa Pangulo, mas madalas sila pa ang gumagawa ng ‘away’ para sa Pangulo.

Hindi lang galit kundi literal na inihahanap nila ng away ang Pangulo.

E kung si Pangulong Duterte nga, hindi pinapansin ang mga bintang at upasala sa kanya ng mga kritikong nagsasabi na sila raw ay naglilingkod sa bayan, ‘yun pa kayang mga padikit-dikit at pabuntot-buntot lang sa kanya?!

Hindi naman nila puwedeng busalan ang bibig ng mga taong ‘disgusto’ sa paraan ni Pangulong Digong kung paano niya pinatatakbo ang pama­halaan dahil tayo ay nasa isang demo­kratikong bansa.

Kailangan pa bang magsalita nang hindi maganda ni Ipe gayong mahigit 16,000 milyong Filipino ang hindi naghuhulas ang bilib at paghanga sa Pangulo?!

Minsang hinangaan ng mga militante si Ipe dahil sa pagganap niya sa pelikulang  Ora Pro Nobis at Kapit Sa Patalim sa ilalim ng direksiyon ng yumaong si Lino Brocka, sa panahon na nasa ilalim pa ng martial law ang bansa, isang kapangahasan para sa mga alagad ng sining ang makisangkot sa ganitong uri ng mga produksiyon.

Pero sinuong ni Ipe ang hamon at siya ay naging mapangahas at matapang para gumanap sa nasabing mga pelikula.

Mga pelikulang masasabi nating nagpakita ng militansiya sa panahon ng ligalig at kawalang katiyakan. At sabi nga, the rest is history…

Dahil sa mga pelikulang iyon, kinilala siya bilang seryoso at mahusay na aktor sa kanyang panahon.

Hindi kaya naalala ni Ipe, na minsan sa buhay niya, ang mga militanteng aktibista na hinangad niya ang kamatayan nitong nakaraang Lunes (sa SONA ng Pangyulo), ay mga taong sumuporta sa kanyang karera nang walang kapalit?!

‘Yung ultimo pambili nila ng bigas ay ipinanood nila ng mga pelikulang kanyang pinagbidahan dahil naniniwala silang iyon ay makadaragdag ng sustansiya at karagdagang kaalaman sa kanilang kaisipan?!

Hindi pa naman siguro nag-uulyanin si Ipe, pero sabi nga ang paalala ay gamot sa mga taong maysakit na kalimot.

Uulitin lang po natin para kay Ipe, hindi kailangan magsalita nang hindi mabuti sa kapwa, para lamang patunayan ang ‘loyalty’ sa Pangulo.

Ayaw ni Tatay Digong nang ganyan.

Hindi pa huli para mag-sorry, ‘di ba Mr. Philip Salvador? 

 

 

RENOVATION NG KALIBO
INTERNATIONAL AIRPORT
PINAGKAKAKITAAN BA!?
(ATTENTION: DOTr
SEC. TUGADE)

AYON sa ating nakalap na report, umabot pala sa kabuuang P400 milyon ang konstruksiyon para sa rehabilitasyon ng Kalibo International Airport (KIA) mula nang ipagawa ang extension nito.

Mula pa noong nakaraang administrasyon na minana ng kasalukuyan ay tila walang nakikitang improvements sa naturang paliparan.

Considering na 3rd busiest airport sa Filipinas ang KIA dahil libo-libong turista ang dumarating araw-araw, pero tila bulag ang mga opisyal ng Civil Airport and Aviation Authority (CAAP) sa pangangailangan ng  serbisyo para sa mga pasahero at stakeholders na gumagamit ng naturang airport.

Sonabagan!

E saan napupunta ang kinokolektang terminal fees sa mga pasahero?!

‘Yan ang hindi natin alam!

Sa renovation nga nila para sa international airport ay muli nga bang natengga?!

Mahigit P17 milyon ang inilaaan ng CAAP para riyan pero mahigit isang taon na ang nakalipas ay wala pang kasigurohan kung tatapu­sin pa ito ng Herbana Builders, Incorporated na inatasang gumawa?!

Sonabagan!

Pati nga raw ibang ahensiya ng gobyerno ay sariling gastos pa nila ang pagpapagawa ng sariling facilities imbes CAAP ang gumawa?!

Anak ng pating naman!

Anong klase ba ‘yan?!

Kung gaano kaganda ang naging renovation sa ibang airports ay tila dedma ang CAAP pati DOTr sa kalagayan ng airport ng KIA?!

So sad talaga!

Kung walang pagbabago, bawasan na lang ang bayad sa terminal fees sa airport na ‘yan dahil masyado nang nakahihiya!

Saan kaya sila nanghihiram ng kapal ng mukha?!

Arayku!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *