TALAGANG hindi papipigil ang grupo ni Peping Cojuangco na ngayon ay kasama pa ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Popoy Juico, hangga’t hindi napapasakamay nila ang bilyong-bilyong pondo para sa 30thSoutheast Asian (SEA) Games na gaganapin sa ating bansa sa darating na Nobyembre.
Pinalalabas ng kampo ng dalawang ‘culprit’ ngayon na binawi raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suporta sa Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee (PHISGOC) na si incoming Speaker Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ang chairman.
Pinagtahi-tahi nila ang sinabi umano ng Pangulo tungkol sa PHISGOC at pinalabas na hindi sang-ayon sa ginagawa ng Committee para maging matagumpay ang pagho-host ng Filipinas ng SEA Games ngayong taon.
Lumalabas, isa lang palang demolition job laban kay Cayetano at sa PHISGOC ang mga balitang hindi daw awtorisado ng Pangulo ang PHISGOC na mamahala sa pagsasaayos ng preparasyon para sa SEA Games dahil gobyerno raw ang dapat na humahawak ng trabahong ito.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin sumusuko si Cojuangco sa plano niyang bawiin ang leadership ng Philippine Olympic Committee (POC) at makontrol ang pondo ng SEA Games, at ngayon ay nakakuha pa siya ng kasangga sa dati nyang ‘partner in crime’ na si Juico, ang kasalukuyang presidente ng Philippine Track and Field Association (Patafa) na dating nasangkot sa ‘Garchitorena land scam.’
Ang hindi nila binabanggit, ang Pangulong Duterte mismo ang nagpalabas ng Memorandum Circular No.56 noong 25 Enero na inuutusan ang lahat ng government agencies, maging government-owned and controlled corporations, na ibigay ang buong suporta sa Philippine SEA Games Organizational Committee Foundation Inc., para sa “preparation, organization and holding of the 30thSoutheast Asian Games.”
Nakalagay sa Memorandum Circular na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea by authority of the President, na ang PHISGOC Inc., ay isang “non-stock, non-profit organization” “created to oversee the preparations and execution of the Philippines’ hosting of the 30thSEA Games in 2019.”
Hindi ba’t malinaw ang nakasaad sa circular?
Ang isa pang tila nakalimutan nina Cojuangco ay inaprobahan ng Pangulong Duterte ang karagdagang pondo na P1 bilyon para sa SEA Games dahil sa pakiusap ni Cayetano na siyang nagpaliwanag sa harap ng Gabinete noong Mayo kung ano ang mga preparasyon para sa darating na palaro.
Ito ay pandagdag sa badyet ng SEA Games matapos na P5 bilyon lang ang naaprobahan ng Kongreso sa P7.5 bilyon na hiningi ng PHISGOC para sa nasabing event.
Kasama ni Cayetano sa presentasyon ng updates sa Pangulo at Gabinete sina Bases Conversion Development Authority (BCDA) president and CEO Vince Dizon at Executive Board member and PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara.
Napagkasunduan sa Cabinet meeting na iyon na ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ang tutulong sa PSC na makakalap ng supplies, sporting goods and equipment at service contractors para sa SEA Games para matiyak na bawat sentimo ay hindi masasayang at mapupunta lang sa bulsa ng kung sino-sino.
Tulad ng nangyari noong 2005 nang nag-host din noon ang Filipinas ng SEA Games. ‘Di ba’t nakasuhan si Cojuangco ng malversation?
Ayon sa dating Philippine Sports Commission chairman Harry Angping, may P73.2 milyon daw ang hindi na-liquidate ni Peping na pondong ginamit sa SEA Games noong taong iyon.
Kaninong bulsa kaya napunta ang pera?
Imbes manira at guluhin ang preparasyon sa darating na sports event, dapat ay manahimik na lang itong sina Cojuangco at Juico.
Tubuan naman sana sila ng konsensiya. Bigyang daan ang tunay na pagbabago at malinis na pamamalakad sa larangan ng Philippine sports.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap