NAPILITANG bumalik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Cebu Pacific Air (CEB) flight dahil sa bird strike, ilang minuto makaraang mag-take off patungong Cagayan de Oro kahapon.
Kinompirma ng isang opisyal ng airport operations, ang CEB flight 5J381 na lumipad dakong 3:45 am ay bumalik sa NAIA matapos bumangga ang ‘di pa mabatid na mga ibon sa makina ng eroplano.
Aniya, tumawag ang piloto sa Manila Control Tower na babalik sa paliparan saka humingi ng clearance para makapag-landing.
Base sa report, ligtas na nakalapag ang eroplano sa NAIA runway dakong 4:17 am.
Isa sa mga pasahero ng flight 5J381 ay si dating presidential spokesman Harry Roque na nag-post sa kanyang Facebook account na “there was a delay in take-off, then an explosion of sorts, smell of smoke and flight now returning to Manila.”
Dagdag ni Roque, “CebuPac needs to take better care of its aircraft and its passengers. Paging Sec Art Tugade and CAAP! Riding public need your help!”
Ang mga pasahero ng flight 5J381 ay inilipat sa ibang eroplano at nakaalis dakong 6:58 am patungong Cagayan de Oro.
Samantala, nagsagawa ng imbestigasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines kasama ang CEB aircraft engineers upang alamin kung gaano kalaki ang naging pinsala ng eroplano. (JSY)