SWAK sa kulungan ang isang karpintero na inireklamo ng pangmomolestiya sa kanyang 11-anyos pamangking babae sa Valenzuela city, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Dianito Acar, 56 anyos, residente sa Hipon Alley, Brgy. 14, Caloocan City, na nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness in Relation to RA 7610.
Sa imbestigasyon ng Valenzuela Police Women’s and Children Protection Desk (WCPD) dakong 8:30 pm naganap ang nagawang pangmomolestiya ng suspek sa kanyang pamangkin.
Nakahiga umano sa kanilang sopa sa loob ng bahay sa Brgy. Karuhatan ang biktimang itinago sa pangalang Marimar, Grade 7 student, nang dumating ang suspek at bigla na lamang dinakma ang dibdib at maselang parte bahagi ng katawan ng nene.
Matapos ito, nagsumbong ang biktima sa kanyang ama at kapatid na lalaki na humingi naman ng tulong sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 9 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (ROMMEL SALES)