DALAWA ang sugatan, kabilang ang isang 15-anyos babaeng estudyante nang tamaan ng bala sa naganap na sagupaan ng dalawang magkalabang grupo sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Manila Central University (MCU) hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Cristina Pauline ng Pag-asa St., Payatas, Brgy. 147, at Arthur Atencio, 18 anyos, ng Narra Alley, kapwa sa Bagong Barrio.
Pinaghahanap ng mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 1 upang maaresto ang suspek sa pagpaputok ng baril na kinilalang alyas Maravilla, 19, taga-Kapayapaan St., Brgy. 150, mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Dakong 10:20 pm nang magkaroon ng sagupaan ang dalawang magkalabang grupo sa kahabaan ng Milagrosa St., Brgy. 149, Bagong Barrio at sa gitna ng sagupaan, nagpaputok ng baril si Maravilla at tinamaan sa katawan ang mga biktima.
Inaalam ng pulisya kung ang dalawang magkaaway na grupo, na kaanib si Maravilla, ay grupo ng Sawako at Demon Gangs na pawang nasangkot sa kaso ng pamamaslang, ilang taon na ang nakararaan sa nasabing lugar.
(ROMMEL SALES)