NAGLATAG ang Manila Police District (MPD) ng dragnet operation para sa agarang ikadarakip ng pitong suspek na nanloob sa isang sangay ng Metrobank sa Binondo, kahapon, Huwebes ng umaga.
Sa ulat, 8:40 am nang looban ng mga suspek ang nasabing banko na kabubukas lamang.
Ipinasok umano sa kuwarto ang mga empleyado at iginapos gayonman walang iniulat na nasaktan.
Kaugnay nito, nag-alok ng P1 milyong pabuya si Manila Mayor Isko Moreno sa makapagtuturo, nakaaalam o makapagbibigay ng impormasyon sa mga suspek.
Nabatid na tinangay ng mga holdaper ang CCTV ng nasabing banko ngunit nakakuha ang MPD ng kopya ng CCTV sa barangay para ma-review.
“I hope itong mga kriminal, tumigil na po kayo. Huwag po kayo pumunta sa Maynila. We will pursue, hahanapin po namin kayo, hindi namin kayo bibigyan ng kapanatagan. Hindi namin kayo papayagan na guluhin, prehuwisyohin ang mamamayan ng lungsod ng Maynila,” babala ni Moreno sa mga holdaper.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng MPD-PS 11 sa insidente. (May kasamang ulat nina BRIAN BILASANO at Rica Anne Dugan, OJT)