NAPAKAGULO ngayon sa Philippine Olympic Committee (POC).
Kailangan magkaroon ng bagong halal na mga opisyal sa POC para maayos ang gusot sa organisasyon, lalo na ngayong apat na buwan na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Southeast Asian Games sa bansa.
Maayos na sana ang takbo nang magpatawag ng special elections si POC chairman Bambol Tolentino para sa posisyon ng presidente ng organisasyon ng biglang nagbitiw sa tungkulin si Ricky Vargas.
Nakasaad kasi sa POC By-laws ang pagpapatawag ng special elections ng chairman. Pero imbes sumunod sa patakaran, ang kampo ni Peping Cojuangco, na kapit-tuko sa POC, ay ipinilit na si 1st vice president Joey Romasanta ang mailagay na presidente kapalit ni Vargas.
Ang problema, hindi kalipikado si Romasanta na maging presidente saang anggulo man tingnan.
Una, vice president siya ng National Sports Association (NSA)-Volleyball. Ang kailangan ay isang presidente ng NSA na Olympic Sport at dapat ay nahalal mula sa kasalukuyang NSA presidents ng Olympic sport, at aktibong miyembro ng POC General Assembly sa dalawang magkasunod na taon sa panahon ng kanyang pagkahalal bilang presidente.
Pero ‘di papipigil si Romasanta. Pinilit niyang iproklama ang sarili bilang presidente ng POC. Nag-isyu ng mga press statement at nagpainterbyu sa media si Romasanta na nagpakilalang ‘presidente’ daw siya ng POC.
Noong 20 Hunyo, nagpalabas ng abiso ang POC board na magkakaroon ng General Assembly ang POC sa 25 Hunyo. Pero pagdating ng naturang petsa, may tumayo para kuwestiyonin ang General Assembly dahil labag daw sa POC By-laws na nakasaad na dapat ay sampung araw ang abiso para sa “extraordinary meetings” ng POC.
Sumang-ayon si POC Chairman Tolentino kaya’t idineklara niyang invalid ang meeting pero sinabi niyang puwede naman magpatuloy bilang isang impormal na pagpupulong.
Bago matapos ang meeting ay nagkaroon ng commitment mula kina Tolentino, board members Clint Aranas, Cynthia Carrion, Auditor Junee Go, at Treasurer Julian Camacho na lahat sila ay magre-resign para makapaghalal ng bagong set of officers ng POC.
Ang kaso, isa-isang umatras ang mga nagsabing magre-resign daw sila. Tanging sina Tolentino, Aranas at Carrion lang ang tumupad sa usapan.
Samakatuwid, ‘yung mga nag-back out ay walang isang salita at hindi mapagkakatiwalaan. Walang kuwenta ang kanilang mga pangako. Binalewala nila ang pagkilala sa Olympic spirit na dapat ay sila pa ang nangunguna sa pagtupad.
Habang nangyayari lahat ito, si Romasanta ay kumikilos para ayusin sa baluktot na paraan para maging kalipikado bilang POC president. Bigla na lamang siyang naging presidente umano ng NSA Volleyball at ng NSA Karate, kahit wala namang anunsiyo o nagpapatunay na totoo nga.
Pinipilit ni Romasanta na kalipikado umano siya bilang POC president, pero ‘di niya maipaliwanag kung paano.
May isa siyang kakampi na amuyong ni Peping Cojuangco na puwede raw pagsamahin ang termino ni Romasanta bilang presidente ng volleyball at karate para maging apat na taon at pasok sa requirements ng POC By-laws.
Nakatatawa kung ‘di lang mas nakadedesmaya ang pagbaluktot sa katuwiran nitong kampo ni Romasanta. Ang kakapal din ng mukha na kumapit sa POC at gumamit ng maruming paraan para manatili sila sa posisyon.
Isa pa ang isang Charlie Ho na nagsabing POC secretary general daw siya, gayong ang posisyon ay dapat appointed ng Pangulo ng Filipinas at aprobado ng POC Executive Board.
Da who ba si Ho?
Ang pinakamabuting gawin ay ituloy ang special elections sa POC para makapaghalal ng bagong mga opisyal. Nakahihiya sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia na parehong nakapansin sa kaguluhan sa POC.
Siguradong magpipilit si Romasanta na tumakbo kahit ‘di siya kalipikado. Pakapalan na lang ng mukha. Kaya kailangan talaga ay magkaroon ng kandidato na tatapos sa marumi at baluktot na pamamalakad sa POC.
Si POC chairman Tolentino, ang kaakibat ni Vargas noon sa pagsusulong ng reporma sa POC, ang maaring pangunahan ang organisasyon sa isang bagong simula na ang Philippine sports ang tunay na bida, imbes mga opisyal na puro sarili lang nila ang inuuna.
Sa mga miyembro ng POC, sana’y tubuan ng konsensiya at ihalal ang mga tulad ni Tolentino na ang puso at isipan ay nakatuon sa kapakanan ng mga atletang Filipino. Itapon na ‘yang mga nagpapayaman lang at walang paki sa kinabukasan ng Philippine sports. Iwan n’yo na ang bulok na sistema diyan sa POC at ipatupad ang tunay na pagbabago sa organisasyon.
MATIGAS ANG BUNGO
NG SPOILED BRAT
NA SI VELASCO
USAP-USAPAN sa Kamara ang pagiging matigas ng ulo ni Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon sa ilang mga kongresista, kung hindi matigas ang ulo ni Velasco at sa pagsuway niya sa panukala ni President Rodrigo Duterte ay hindi sana nagkakainitan ang mga kongresista sa karera para maging House Speaker.
Ito ay matapos tanggapin ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang panukala ni Presidente Duterte sa term-sharing sa kanila ni Velasco upang maresolba ang Speakership issue, pero tinanggihan ng congressman mula sa Marinduque.
Iginiit ni Velasco na dapat iisang tao lamang ang hahawak sa pinakamataas na puwesto sa House of Representatives — at ito ay walang iba kundi siya—Velasco.
Hindi pumayag si Velasco sa panukala kahit mula kay President Duterte, na nagbigay ng ultimatum sa Cabinet meeting noong 1 Hulyo at sinabi na tanggapin ni Velasco ang term sharing deal kay Cayetano o kalimutan ang pangarap niyang maging Speaker.
Dapat maintindihan ni Velasco na ang power-sharing agreement ay mas makabubuti sa kanya dahil lumalabas na wala siyang experience at hindi kalipikado sa lahat ng nagnanais na maging Speaker.
Kahit na si Velasco ay nagsilbi ng dalawang termino bilang congressman, lumalabas na naupo siya bilang kongresista sa isang termino lamang matapos maluklok siya sa huling araw ng session sa Congress noong 2013, dahil napalitan niya si Regina Ongsiako Reyes sa kanilang laban sa Marinduque noong 2010 polls.
Si Velasco ay naging chair ng House energy panel sa 17th Congress, sa kasamaang palad ay walang naipasang malaking batas kahit na isa.
Halata rin ang katotohanan na wala man lang naiambag o naitulong si Velasco sa Duterte administration.
Magugunita na si Velasco ay nagbigay ng suporta kay Grace Poe noong 2016. At noong May 13 polls, si Grace Poe rin ang nanguna sa senatorial race sa Marinduque. Si Bong Go at ibang kandidato ni President Duterte ay halos matalo sa kanyang balwarte.
Hindi rin naipagtanggol ni Velasco ang Duterte administration sa mga kritiko at hindi rin siya nanindigan para sa adbokasiya ng pangulo.
Marapat na tanggapin na ni Velasco ang term sharing at ‘wag na siyang umasal na parang spoiled brat.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap