WINASAK sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga nakompiskang video karera at fruit game machines kahapon ng umaga, 3 Hulyo, sa Manila City hall quadrangle.
Ayon kay MPD Director P/Brig. Gen. Vicente Danao Jr., umabot sa 75 piraso ng video karera at fruit games ang nasamsam sa isinagawang operasyon sa buong magdamag.
Partikular na minaso ni Domagoso at Danao ang mother board ng mga makina.
Ayon kay Domagoso, magsilbi itong babala sa lahat na hindi nila kinokonsinti sa lungsod ng Maynila ang ilegal na sugal.
Ginagamit aniya itong lugar para sa bentahan ng droga dahil karamihan ng mga nagvi-video karera ay gumagamit ng droga.
Nagbabala rin si Domagoso sa mga pulis na protektor ng mga ilegal na sugal kong mayron man, na tumigil na dahil kanilang sisiyasatin at iimbestigahan ang mga pulis na sangkot.
Inaasahan ng Alkalde, sa susunod na mga araw ay mas marami pang makokompiskang mga makina dahil sa puspusang pagsuyod ng pulisya sa pangunguna ni Danao sa mga lugar na maraming ilegal na pasugalan.
(May kasamang ulat ni Brian Bilasano)