PAGSUBOK na pet-malu ang tiyak na haharapin ng 18th Congress sa pagbubukas ng sesyon sa 22 Hulyo.
Ngayon pa lang, nakaumang na ang patong-patong na mga pagsubok na haharapin ng mga kongresista sa kanilang paglilingkod sa bayan.
Una na rito ang pagtitiyak na hindi na mauulit ang pangho-hostage sa national budget dahil P1 bilyon araw-araw ang nawala sa gobyerno nang mangyari ang bangungot na ito noong 2018.
Halos 1% ang nawala sa ating Gross Domestic Product (GDP) at gumapang ang mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Nariyan din ang mga panukalang pagbabago ng Saligang Batas o Cha-Cha dahil walang kinahantungan ang federalismo na isinulong noong nakaraang kongreso.
At higit sa lahat, mahaharap sa matinding hamon ang panguluhan sa gitna ng bantang impeachment complaint na niluluto ng Makabayan Bloc ng mga kongresista bunsod ng mga usapin matapos banggain ng isang Chinese vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto reef.
Marami pang ibang usapin ang kahaharapin ng administrasyong Duterte at ng mga mambabatas sa susunod na tatlong taon.
Kaya naman ang ating panawagan sa mga kongresista huwag magpadalos-dalos sa pagpili ng magiging lider.
Dapat pag-isipang mabuti at suriin ang ‘tatlong K’ sa pagpili ng Speaker of the House.
Ang kakayahan, karanasan at kompetensiya ng bawat kandidato. Pag-aralan ang track record ng bawat aspirante at doon dapat ibatay kung sino ang iboboto.
Karanasan na hindi lamang umiikot sa lehislatura kundi maging sa ehekutibo at panlabas na ugnayan ng bansa.
At higit sa lahat, ang track record ng mga kandidato kung gaano nila sinuportahan ang Pangulong Duterte at ang nga programa niya sa bayan mula noon, ngayon at sa darating pang mga araw.
‘Yung kayang ipaglaban at ipagtanggol ang mga adhikain ng administrasyon para sa katuparan nito upang mapakinabangan ng taong-bayan.
Isang lider lang ng kongreso ang nararapat — ‘yung may taglay na kakayahan, karanasan at kompetensiya ang makakaharap sa mga pagsubok na ito sa tulong ng mga mambabatas.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap