SAPOL sa isinagawang buy bust operation ang isang nagpakilalang liaison officer ng Senado kabilang ang 10 kataong naaresto na sangkot sa paggamit ng ilegal na droga sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating kay Valenzuela Police chief P/Col. Carlito Gaces, dakong 11:00 pm nang magsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr. sa Ilang-Ilang St., Brgy. Karuhatan sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto kay Eusebio Munar, 48 anyos, sinabing liaison ng Senate Transport Cooperative, Robert Pamilar, 19 anyos, at Richard Eliano, 21 anyos, kilalang pusher sa lugar.
Narekober sa mga suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, P200 buy bust money at isa pang P200 bill.
Dakong 10:30 pm nang madakip din ng mga operatiba sa buy bust operation sa kahabaan ng Alley C., Molina St., Brgy. Veinte Reales sina Jessie Sumaria, 31 anyos, Romar Mercene, 29, Reymark Mauricio, 19, Julito Cometa, 18, at isang 17-anyos binatilyo.
Nakompiska ng mga operatiba ang isang coin purse na naglalaman ng limang sachets ng shabu, tatlong sachet ng marijuana at P200 buy bust money.
Timbog din ng mga operatiba ng SDEU sina John Paul Solomon, 24, Junel Suicon, 23, at Zyron Manabat, 29, sa buy bust operation sa Road 4, Diam St., Brgy. Gen T. De Leon, dakong 3:00 am.
Narekober sa mga suspek ang isang coin purse na naglalaman ng pitong sachet ng shabu at P300 cash na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
(ROMMEL SALES)