ARESTADO ang dalawang empleyado ng isang pribadong kompanya dahil sa pangongotong at pangongolekta sa mga vendor sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila sa isinagawang entrapment operation nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Vilma Cortez, 48, secretary, residente sa 378 Malvar St., Tondo; at Jeffrie Solomon, 37, checker, ng Blk. 3 Lot 18 Phase III Golden City, Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite at kapwa empleyado ng Bagong Maynila Development Corp.
Pinangunahan ni Special Mayors Reaction Team (SMART) P/Maj. Rizalino Ibay, Jr., ang pag-aresto sa dalawa dakong 8:45 am nitong Martes, matapos makatanggap ng reklamo ang Mayor’s Office mula sa mga vendor na mayroong nangongotong.
Ibinunyag ni Cortez na isang “Puzon” ang kanilang organizer na nag-utos upang mangolekta ng halagang P20 hanggang P40 kada araw bawat puwesto.
Paliwanag ni Cortez, ginagamit aniya nila ang nasabing koleksiyon upang pambayad sa mga tagalinis sa palengke.
Inamin din ni Cortez na pinapasuweldo sila ng P25,000 kada buwan ng organizer.
Sasampahan ng kasong usurpation of authority, grave coercion, at robbery extortion ang mga suspek na nahuli sa akto ng pangingikil. (May kasamang ulat ni BRIAN BILASANO)