ISANG yellow cab driver ang inaresto ng mga tauhan ng Mobile Patrol Security Unit (MPSU) nang ireklamo ng dalawang pasahero na kaniyang siningil nang higit sa tamang pasahe mula Ninoy Aquino International airport (NAIA) terminal 1 patungong Ortigas Avenue, Pasig City, iniulat kahapon.
Kinilala ni P/Lt. Col. Monchito Lusterio, hepe ng MPSU-PNP-AVSEGROUP ang suspek na si Arielino Gripo, 60, may-asawa, naninirahan sa Block 19 lot 23, South Ville, Bgy. Aguado, Trece Martirez, Cavite.
Si Gripo ay positibong itinuro nina Shawn Gurcharan at Dil Mohammed, pawang missionaries ng Republic of Guyana, na siyang nagsakay sa kanila sa yellow cab taxi at sumingil ng US$50, katumbas nang mahigit P2,500 mula NAIA terminal 1 hanggang Pasig City.
Ayon sa ulat ng pulisya, dumating sa airport ang dalawang dayuhan at nagpahatid kay Gripo, nagmamaneho ng yellow cab, pero pagdating nila sa Go Hotel, Pasig City ay siningil sila ng US$50, higit sa tamang pasahe na itinatakda ng batas.
Ang yellow cab ay nakarehistro sa Royal Crown, Travel, Tours and Transport Services na may tanggapan sa Malate, Maynila.
Sa pamamagitan ng text messages na ipinarating ng dalawang biktima sa NAIA HOTLINE, agad nakarating ang reklamo sa nasabing tanggapan dahilan upang aksiyonan at agad inaresto ang naturang driver. (JSY)