ANIM na magkakaanak ang nasawi sa sunog na tumupok sa kanilang bahay dahil sa napabayaang kandila sa Caloocan City, kahapon ng madaling aarw.
Kinilala ang mga biktimang sina Maricel Roxas, 32, at magkakapatid na sina Robert Basas, 10, RJ, 4, JP, 2, at tatlong buwan gulang na si Niño Basas, at kanilang pinsan na si Eduardo Roxas, 8-anyos habang patuloy na ginagamot sa Tala Hospital si Benedict Basas, 13.
Sa pahayag ng nakaligtas na si Benedict, panganay sa magkakapatid, dakong 2:45 am, natutulog sila sa loob ng kanilang bahay sa Phase 8 B, Package 5, Brgy. 176, Bagong Silang nang biglang sumiklab ang apoy mula sa naupos na kandila na nahulog sa kahon ng mga karton.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light material ang bahay habang nagawang makatalon sa ikalawang palapag ng bahay si Benedict at hindi na nagawang mailigtas ang kanyang mga kaanak.
Ayon kay Purok leader Renato Caladiao, nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil malayo sa kalsada ang bahay ng mga biktima at kinakailangan pang pagdugtong-dugtungin ang mga fire hose.
Wala rin sa bahay ang ama ng magkakapatid nang maganap ang insidente dahil nag-overtime umano ito sa trabaho.
Wala umanong koryente ang bahay ng mga biktima kaya gumagamit lang ng kandila o lampara.
Sa imbestigasyon ni FO1 Cedrick Pardenias, nasa 30,000 halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
(ROMMEL SALES)