ILANG desmayadong negosyante ukol sa sinasabing umiiral na katiwalian sa Bureau of Customs (BoC) sa kabila ng puspusang paglilinis na ipinapatupad ng pamunuan ng nasabing ahensya ang nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa grupo ng mga broker, mayroon pa rin umanong sindikato sa BoC na sadyang binabalewala ang direktiba ni Pangulong Duterte na supilin ang korupsiyon sa loob ng ahensiya.
Isang liham kay Pangulong Duterte mula sa grupo ang nagdetalye sa kabalastugang ginagawa umano ng isang BoC Import and Assessment Service (IAS) director at kanyang chief-of-staff.
Kasama umano ang ilang kasapakat sa Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP), puwersahang nangingingikil umano ang IAS official ng tinatawag na ‘tara’ mula sa mga negosyante, at batay sa bagong sistema nagtakda ng halagang P3,000 dapat ang ibayad ng mga importer kada container na naglalaman ng general merchandise.
Ang halagang ito, paliwanag ng mga nagrereklamong broker, ay gumagarantiya na makababayad ang importer ng ‘duties and taxes’ na aabot lamang sa P180,000 hanggang P200,000 bawat container kaysa tanggihan dahil papalo ang buwis sa mas malaking P250,000 hanggang P300,000.
Sa kabilang dako, yaong mga importer umano ng mga sasakyan ay kinokotongan ng P50,000 hanggang P100,000 kada unit at ang pagtanggi rito’y nangangahulugan ng pagbabayad ng maximum amount para sa duties and taxes.
Ang impormasyon ukol sa pandarambong ng IAS official ay sadyang hindi nakararating sa kaalaman ni customs commissioner Rey Leonardo Guerrero dahil ang grupo nila ay sinabing kabilang sa mga kasapakat ng isang abogado kaya protektado mula sa paninita ng pamunuan ng Bureau.
Sa ganitong paraan umano, tiyak na namamayagpag ang direktor ng BoC-IAS sa lubos na kapangyarihang hawak niya at proteksiyon mula sa chief of staff.
Ito rin umano ang dahilan kung bakt iba na ang hilig ng IAS director — ang mangolekta ng mamahaling relo na umaabot sa P500,000 hanggang P1.5 milyon ang halaga ng bawat isa.
Sinasabing kasabwat ng dalawa sa umiiral na katiwalian sa Customs ang ilang examiner at appraiser na takot sa banta na sapilitan silang pagbibitiwin sa puwesto o dili kaya’y sususpendihin sa kanilang tungkulin kung hindi susunod sa kanilang kagustuhan.
Ayon sa mga broker, “ang panawagan namin sa pangulo ay seryosohin na linisin ang ating pamahalaan mula sa korupsiyon at katiwalian na kailangan masimulan sa Bureau of Customs, na alam namin kaya ng dating alkalde ng Davao City.” (BONG SON)