NANGHIHINAYANG ako sa karera nitong si young military and youth leader Ronald Gian Carlo Cardema, nakikinikinita ang maagang pag-alagwa.
Si Cardema po ay itinalagang chairperson ng National Youth Commission (NYC). Dati itong nasa ilalim ng Office of the President pero sa kasalukuyan ay inilipat sa ilalim na ng Office of the Cabinet Secretary.
Kung inyong matatandaan, si Cardema ay unang nakilala nang maglunsad ng isang pagkilos na sumusuporta sa paghihimlay ng dating pangulo, Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, habang kabi-kabila ang protesta sa pagpayag ng Duterte administration sa nasabing paglilibing.
Si Cardema po ang lider ng nasabing grupo.
Sa madaling sabi, naitalaga na po siya sa NYC at matagal rin namang nanahimik ang kanyang pangalan hanggang sumulpot ang isyu ng kanyang substitution para sa Duterte Youth bilang first nominee kapalit ng kanyang misis.
Ang kanyang petisyon para sa substitution ay inihain niya noong 12 Mayo 2019, araw ng Linggo at kinabukasan, 13 Mayo ay araw na ng eleksiyon.
Naging isyu ang nasabing petisyon, dahil siya ay kasakukuyang chairman ng NYC. Hindi klaro kung siya ay nagbitiw bago mag-eleksiyon.
Para sa mga kritiko ni Cardema, sa panahon na siya ay chairperson ng NYC, hindi malayong nagamit niya ang impluwensiya ng nasabing ahensiya ng pamahalaan at ang pondo nito.
Tapos biglang magsa-substitute sa misis niya bilang No. 1 nominee ng Duterte Youth party-list?!
Puwedeng sabihin ni Cardema na walang espesipikong batas na nagbabawal sa kanyang ginawa, lalo’t inaprobahan ng Comelec ang kanyang substitution, pero ang tanong, wala ba siyang delicadeza?
Sabi nga ng mga ‘dilaw’ kanino o saan kaya nanghihiram ng kapal ng mukha si Cardema?
Tsk tsk tsk…
Bata pa, suwapang na sa puwesto!
E ‘di trapo!
‘MALALIM’ NA SUHESTIYON
NI SENATOR-ELECT FRANCIS
“TOL” TOLENTINO:
MAGDAGDAG NG ‘BITUIN’
SA WATAWAT NG FILIPINAS
SA sobrang ‘lalim’ ‘e hindi maarok ng inyong lingkod ang pagnanais ni senator-elect Francis “Tol” Tolentino na magdagdag ng isang bituin sa watawat ng Filipinas para katawanin umano ang Benham Rise.
Aniya sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Davao City bilang panauhin…
“I propose a fourth star to the Philippine flag. A fourth star to reflect the Benham Rise, the future Philippines, the future land of the next generation of Filipinos,” aniya.
Dumarami na ang miyembro ng ‘liga’ ng malalalim mag-isip sa Senado.
Noong isang taon, ang mungkahi mula sa Senado ay dagdagan ng isa pang sinag ang araw sa watawat. Mula sa walo ay gawing siyam bilang representasyon ng Mindanao. Mukhang hindi naintindihan ng nagmungkahi na ang tatlong bituin ay kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
May mungkahi rin dati si Tito Sen na palitan ang ilang linya sa Lupang Hinirang — ang Pambansang Awit ng Filipinas.
Ibang klase talaga ang ‘henyo’ ng Wanbol University na napadpad sa Senado.
Mabuti na lamang at napayohan kaya umatras na rin sa kanyang kalokohan.
Anyway, unsolicoted advice lang po, senator-elect Francis “Tol” Telentino, pahinga po muna kayo at unahin muna ang pagsasaaayos at pagpapasa ng inyong SOCE, bago mag-isip ng mga ‘kagila-gilalas’ na mungkahi.
Mukhang ‘hilo’ at ‘pagod’ pa kayo sa pangangampanya nitong nakaraang eleksiyon.
Tapos biglang natapos ang eleksiyon at nahinto ang inyong mga katibidad kaya mukhang pinananahanan ngayon ng kung ano-anong agiw ang inyong isipan.
Sabi nga, “to do nothing is tiresome, one can never stop and take a rest.”
Kaya please lang, relax lang muna Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap