PINAG-AARALAN ng Quezon City Police District (QCPD) kung bubuo ng isang special task force para sa mabilisang paglutas sa pagpaslang sa isang miyembro ng National Press Club nitong 6 Hunyo 2019 sa nasabing lungsod.
Ito ay makaraang ihayag ng pamunuan ng pulisya na posibleng bumuo ang QCPD ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok para maresolba ang pagpatay kay Adam Moraleta, 56, account executive ng Daily Tribune.
Kaugnay nito, kinompirma ng QCPD na wala sa drug watchlist ng Barangay Holy Spirit ang biktima.
Ayon kay QCPD Director, P/Brig. Gen. Joselito Esquivel, maaaring bumuo ang QCPD ng SITG na tututok at para mapabilis ang pagresolba sa pagpaslang kay Moraleta na pinagbabaril ng riding-in-tandem malapit sa kanilang bahay sa 20-N De Leon St., Brgy. Holy Spirit, QC nitong 6 Hunyo dakong 8:15 pm.
Naunang ipinaalam ng pamilya ni Moraleta na “missing person” ang biktima nang hindi nakauwi makaraang magpaalam na bibili ng sigarilyo noong gabi ng Huwebes.
Pero nitong sabado, 8 Hunyo, kinilala ng anak na si Jared Keenan, na tatay niya si Adam makaraang ipaalam ng pamunuan ng Barangay Holy Spirit na may binaril at pinatay noong Huwebes ng gabi sa N. De Leon St., Brgy. Holy Spirit hindi kalayuan sa bahay ng pamilya Moraleta.
Dagdag ni Esquivel, patuloy ang imbestigasyon ng CIDU at ng QCPD Batasan Police Station 6 kung ano ang motibo ng krimen at sinusuri ang lahat ng anggulo.
Ayon kay Esquivel, wala sa drug watchlist ang biktima kaya’t inaalam ng pulisya kung may kaaway ang biktima.
Inaalam din kung work related ang pagpatay kay Moraleta.
Samantala, kinondena ng pamunuan ng National Press Club (NPC) ang pamamaslang kay Moraleta.
Sa kanilang pahayag, sinabi nilang si Moraleta ay ika-tatlo sa mga kasapi nilang pinaslang. Una si Rubylita “Ruby” Garcia noong 2014, at Joaquin “Jun” Briones noong 2017. (ALMAR DANGUILAN)