TODAS ang isang hinihinalang miyembro ng gun-running syndicate matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy bust operation of firearm sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang suspek na kilalang si Jimverick Infante alyas Jimboy, nakasuot ng athletic police uniform na may marking na ‘Pulis’ at gray short.
Sa nakarating na report kay acting Caloocan chief of police, P/Col. Noel Flores, dakong 10:45 pm nang ikasa ng mga tauhan ng Caloocan Police Intelligence Branch ang buy bust operation of firearm kontra sa suspek sa loob ng isang abandonadong compound sa Malaruhat St., Brgy. 179, Amparo.
Dito natunugan ng suspek na isang undercover police ang kanyang katransaksyon kaya bigla niyang itinulak ang poseur-buyer sabay naglabas ng baril at pinaputukan ang pulis na mapalad na hindi tinaman.
Nagawang makaganti ng mga putok ang police poseur-buyer hanggang tamaan sa katawan ang suspek na nagresulta ng kanyang kamatayan. (ROMMEL SALES)