Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Vote-buying: Speakership sa Kamara for sale nga ba?

TAPOS na ang midterm election pero hindi pa tapos ang bakbakan sa hanay ng mga mambabatas.

Naggigirian pa sila ngayon para sa juicy and powerful post na “Speaker of the House.”

At sa rami ng nagnanais maging Speaker sa darating na bagong Kongreso, idinaraan ng ilan sa ‘walanghiyaan’ ang labanan. 

Mukhang hindi na talaga uso ang maginoo sa Kongreso.

Talamak na ang tangkang pagbili ng boto mula sa mga mam­babatas para masungkit ang pinakamataas na puwesto sa Kamara de Representantes. 

Isang malaking insulto sa mga kapwa mambabatas ang nNakasusukang pagtingin ng ilang kandidato sa pagka-Speaker na puwede nilang bilhin ang suporta ng mga kasamahan nila sa Kamara. 

Maugong umano sa Kamara ang paramdam  sa  mga kongresista ng kampo ni reelectionist Leyte Cong.  Martin Romualdez.

Si Romualdez ay isa sa mga nakikitang atat na atat na maging Speaker kaya ‘mayabang ang paramdam’ na magiging kapaki-pakinabang daw ang pagboto sa kanya sa darating na Kongreso.

Noong una umano ay pahapyaw lang, pero dahil naging mainit na ang labanan, tahasang nag-alok ng P500,000 kada congressman ang kampo ni Romualdez para iboto siyang Speaker. 

Totoo ba ‘yan, Mr. Congressman?!          

Pero nagkagulo ang ilang mga gahaman sa Kongreso dahil hindi pahuhuli ang isa pang desperadong kandidato. Kumalat kamakailan sa hanay ng mga kongresista ang text messages na nanghihikayat ng suporta para kay Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco na maging susunod na Speaker at pinapalabas na galing kay Davao city mayor Sara Duterte ang text. 

Pero hindi nakasaad sa text message ang alok na P1 milyon para sa bawat kongresistang ibebenta ang boto pabor kay Velasco. 

Kung susumahin, ang uupong halos 300 kongresista sa Hulyo ay hindi naman kailangan bilhin lahat ni Velasco, dahil simpleng majority vote lang, o mahigit lang nang kaunti sa 150 boto ang kailangan para mabili ang puwesto ng Speaker.

Papatak na wala pang P200 milyones ang magagastos ni Velasco, na ang pamilya ay  kilalang isa sa “rich and powerful” sa Marinduque. 

Samantala si Romualdez naman, isa rin sa pinakamayamang congressman, ay P100 milyones lamang ang papakawalan para sa mga papatol sa kanyang vote-buying spree. 

Ayon sa mga source, mas malaki ang alok ni Velasco dahil sa loob pa lang ng partido niyang PDP-Laban ay dalawa na ang kalaban niya — si dating Speaker Pantaleon Alvarez at si Pampanga Cong. Aurelio Gonzales. Kaya kailangan daw matiyak agad ni Velasco na siya ang pipiliin hindi lang ng partido, kundi maging ng buong Kamara.

Hindi lang nakasusuka kundi nakagagalit ang ganitong talamak na pagbabalewala sa  integridad ng Kongreso. 

Nakaiinsulto na ang tingin nila sa lahat ng mambabatas ay mukhang pera. Ang pinaka­ma­gandang gawin ng mga kongresista para ipamukha sa mga ganyang kandidato na hindi uubra ang bulok nilang kalakaran ay ibasura sila sa darating na halalan para sa Speaker ng Kongreso.

 

HOUSE SPEAKER WANNABE

SA RAMI ng pangalang lumulutang para maging sunod na House Speaker, naiiwan sa publiko ang tanong kung ano nga ba ang mga na­pa­tunayan o nagawa na ng mga nasabing per­sonalidad para maging karapat-dapat sa puwesto?!

Una na ngang nabulgar si reelected Leyte congressman Martin Romualdez matapos ang panibagong pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte. Ito ay matapos itanggi ni Sara na inirekomenda niya sa Speakershi si Romualdez sa House of Representatives ngayong darating na panibagong Kongreso.

Nauna nang naramdaman ni Romualdez, na kuha na niya ang endoso ng presidential daughter nang ipakilala siya bilang “next Speaker” sa ginanap na Hugpong ng Pagbabago (HNP) rally noong Marso sa Tacloban City, ang teritoryo ni Romualdez. Ang hindi lamang nalaman ni Romualdez ay pareho rin ginawa ito ni Sara kay Rep. Lord Allan Velasco noong sumunod na araw.

Hindi rin siguro naisip ni Romualdez na palagi rin sinasabi ni Sara na ang susunod na Speaker ay dapat na “supportive of the President’s reform agenda.” Kahit na aminin ni Romualdez na siya ay supportive sa Presidente, lumalabas na taliwas ito sa katotohanan.

Maaalala na ang Lakas-CMD party, kung saan si Romualdez ang pinuno, ang promotor ng pag-delay ng approval ng 2019 national budget sa House dahil sa mga tinaguriang illegal post-ratification realignments sa budget sa kabila na aprobado na ito ng Senado sa bicameral conference committee.

Ito ang naging dahilan kung bakit sinabi ni President Rodrigo Duterte na hindi niya pipirmahan ang “illegal document” na nauwi na veto ng Palasyo sa mga provisions na isiningit ng Andaya group.

Kung talagang suportado ni Romualdez ang Presidente ay puwede niyang pigilan ang kanyang mga kapartido at alyado ngunit hindi niya ito ginawa.

Para naman kay Velasco, bigla na lamang umusbong mula sa kawalan ang pangalan, ipinangalandakan niya ang kanyang umano’y malapit na kaibigan sa mga pamilya ni Duterte.

Mayroon pa siyang mga post ng retrato niya at ng kanyang asawa kay Duterte sa Malacañang noong 17 Mayo, at naglabas ng mga retrato ng birthday celebration ng Presidente na siya ang nag-sponsor umano. Masyadong nagpapalakas ‘ata sa Presidente.

Hindi naisip ni Velasco na ang kakayahan at kapasidad ng isang Speaker ay hindi nakasandal sa mga retrato o kung sino ang mga tao na kasama mo kundi sa karunungan at kaalaman na magpatakbo ng isang kongreso na matapat, epektibo at para sa tao.

Tingnan nga natin ang mga credentials ni Velasco. Hindi kasi natin siya masyadong kilala. Hindi matunog ang pangalan. Lumalabas na marami pa siyang dapat na patunayan at gawin sa maraming aspekto. Ano na nga ba ang nagawa niya sa bayan at sa administrasyon?

Sa katunayan ay wala pang naiaambag o naitutulong si Velasco para kay President Duterte, katibayan nito ang resulta ng boto ni Bong Go, ang longtime aide ni Presidente at kandidato sa pagka-senador. Alam ba ninyong pang-sampu lamang sa teritoryo ni Velasco sa Marinduque si Bong Go?

Hindi rin sumuporta si Velasco kay Duterte noong tumakbong presidente noong 2016 elections, at sa halip ay sinuportahan si Grace Poe. Si Poe ang lumabas na No. 1 sa Marinduque sa katatapos lang na eleksiyon.

Wala rin siyang experience, kompara sa iba, sa kabila na nagsilbi sa dalawang termino. Hindi rin niya ito nagamit dahil isang termino lamang ang inupuan niya dahil sa huling araw ng sesyon lamang siya na swear in bilang miyembro ng Kongreso noong 2013.

Ito ay matapos maubos ang panahon niya na ibagsak ang kanyang kalaban sa politika na si Regina Ongsiako Reyes bilang representative ng Marinduque sa protesta niya noong 2010 elections.

Naupo si Velasco bilang chairman ng House energy panel sa 17th Congress, ngunit wala namang nabalita na mayroon itong kilalang batas na naipasa.

So, sino nga ba si Velasco? Kumbaga isa lamang siyang lightweight.

Mabuti muna kung siya ay kumuha ng experience bago maghangad ng speakership post.

Kailangan ng taongbayan ng isang House leader na may napatunayan, may nagawa na para sa admi­nistrasyon at may kakayahan na maging tunay na House Speaker, at hindi ‘yung wannabe na House leader lamang.

Hindi training ground ang pagiging House Speaker sa mga bagitong hindi pa napapa­tu­nayan ang kanilang sarili at wala naman talagang nagawa, ito ay para sa mga taong subok na sa serbisyo at pamamahala. 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *