PATAY ang isang-buwang gulang na sanggol habang kritikal ang kalagayan sa pagamutan ng kanyang ina matapos mabangga ng humaharurot na pampasaherong jeep habang naglalakad sa gutter ng kalsada sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Isinugod ng nagrespondeng JRY ambulance si Kaehll Ejija Mariano sa Navotas City Hospital na hindi na umabot nang buhay sanhi ng pinsala sa ulo at katawan.
Patuloy na inoobserbahan sa nasabing ospital ang kanyang ina na kinilalang si Angelica Ejija, 22-anyos, residente sa 098 Pescador St., Brgy. Bangkulasi sanhi ng grabeng sugat at bali sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa nakarating na ulat kay Navotas chief of police P/Col. Rolando Balasabas, naganap ang insidente, dakong 6:40 am sa kahabaan ng Road-10, Pescador, Brgy. Bangkulasi.
Karga umano ng kanyang inang si Angelica ang kanyang baby habang naglalakad sa gutter ng kalsada sa naturang lugar pauwi nang mahagip ng humaharurot na pampasaherong jeep patungong C-4 Road.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon si Angelica at kanyang baby nang ilang metro na dagliang ikinamatay ng kanyang anak.
Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang suspek na kinilalang si Reymond Villanueva, 45-anyos, residente sa Inocencio St., Brgy. 93, Capulong, Tondo, Maynila at driver ng pampasaherong jeep, may plakang TVR-259.
Sinabi ni Col. Balasabas, si Villanueva ay mahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at serious physical injury sa Navotas City Prosecutor’s Office.
ni ROMMEL SALES