PASADO sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na layong buuin ang Philippine Space Agency (PhilSA).
Ipinanukala ni Sen. Benigno “Bam” Aquino IV, ang Senate Bill No. 1983 o ang “Act Establishing the Philippine Space Development and Utilization Policy and Creating the Philippine Space Agency.”
Ayon kay Aquino, ang paglulunsad sa isang space program ay makapagbibigay sa mga Filipino ng bago at mahahalagang pananaw na posibleng makatulong sa ilan sa pinakamalalaking problema ng bansa.
Malaki aniya ang maitutulong ng satellites sa disaster management lalo sa pagbibigay ng accurate information sa prediksiyon ng sakuna at komunikasyon sa kasagsagan naman ng relief and recovery operations.
Iginiit ni Aquino, malaki ang maitutulong ng space agency sa agrikultura, environment conservation and preservation, urban planning, transportation at communication networks.
Sakaling maging isa nang ganap na batas, bubuuin ang Philippine Space Development and Utilization Policy na magsisilbing strategic roadmap ng Filipinas para sa space development.
(CYNTHIA MARTIN)